Dike
Tumutukoy din ito sa Ingles na dam, isang estruktura para harangin, imbakin, at kontrolin ang daloy ng tubig upang magamit sa iba’t ibang aplikasyon, tulad sa paglikha ng koryenteng magagamit ng kabihasnan at suplay ng tubig na maiinom ng mga tao.
Madalas ay itinitirik ang ganitong uri ng dike sa mga ilog, at lumilikha ng artipisyal na lawa sa likuran nito. Dahil nilalabanan ng mga dam ang puwersa ng tone-toneladang tubig na iniipon nitó, nangangailangan ang mga ito ng pambihirang laki at napakatibay na pagkakagawa.
Dahil sa lokasyon nito sa Metro Manila, masasabing ang La Mesa Dam sa Lungsod Quezon ang pinakakilaláng dam sa kulturang Filipino.
Ang parke sa kaligiran nito ay paboritong pasyalan ng mga tagalungsod at huling nalalabing malaking kagubatan sa Metro Manila. Katuwang naman ng La Mesa ang Angat Dam at Ipo Dam sa Ilog Angat, lalawigan ng Bulacan, at ang reservoir na binubuo ng tatlong ito ang kinukuhanan ng karamihan sa pangangailangang pantubig ng Metro Manila.
Tanyag din ang Dikeng Ambuklao sa Ilog Agno, lalawigan ng Benguet, bilang pinakamataas at pinakamalaking dike sa buong Silangang Asya noong dekada 50.
Ilan pa sa mga pangunahing dam ng bansa ay ang
- Binga Dam sa Benguet,
- Caliraya Dam,
- Lumot Dam sa Laguna,
- Pantabangan Dam at Casecnan Dam sa Nueva Ecija,
- Magat Dam sa Ifugao at Isabela,
- Pulangi Dam sa Bukidnon,
- San Roque Dam sa Pangasinan at Benguet, at mga dike ng
- Agus sa Lanao del Norte at Lanao del Sure.
Nakaasa ang milyon milyong Filipino sa mga dikeng ito para sa koryente, tubig, at irigasyon, ngunit sa panahon ng tag-ulan ay pinangangambahan ang kanilang pagapaw na nagiging dahilan naman ng malawakang pagbaha ng mga bukid at bayan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Dike "