Saan matatagpuan ang angat dam?


Ang Angat Dam (Ang·gát Dam) ay matatagpuan sa Norzagaray, Bulacan. Bahagi ito ng Angat Hydroelectric Plant, na gumagamit sa Ilog Angat (Ilog Bulacan) upang makalikha ng koryente, at bahagi ng mas malaking sistema ng mga dam ng Angat-Ipo-La Mesa.


Ang Angat Reservoir na naiipon ng dam ang nagtutustos sa humigit-kumulang 90% ng pangangailangan sa tubig ng Kalakhang Maynila. Ginagamit din ito bilang irigasyon para sa 28,000 ektarya ng sakahan sa Bulacan at Pampanga. Bukod dito, tumutulong ang dam na kontrolin ang pagbaha tuwing tag-ulan.


Ang Angat Dam ay may taas na 131 m at habang 568 m. Kaya nitong humawak ng hanggang 850,000,000 metro kubikong tubig at mag-ambag ng 246 megawatt ng koryente para sa buong Luzon.


Ang tubig na dumadaan sa dike ay unang ginagamit para sa koryente. Pagkatapos, sangkatlo nito ay ginagamit ng MWSS (dating NAWASA) para sa tubig na maiinom ng mga taga-Kalakhang Maynila.


Sangkatlo rin ang ginagamit ng National Irrigation Administration (NIA) para sa irigasyon, at ang hulíng sangkatlo ay bumabalik sa Look Maynila.


Sinimulan ang paggawa sa dam noong Nobyembre 1961 at unang ginamit noong 16 Oktubre 1967. Natapos ang konstruksiyon noong Agosto 1968. Ang mga kompanyang Grogun, Inc., Paul Hardeman (Phil.), at Filipino Engineers Syndicate, Inc. ang nagtayo sa dam.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: