Ang Ilog Chico (Tsí·ko) ang isa sa mga pangunahing sangay ng Ilog Cagayan, na siyang pinakamahaba at pinakamalaking ilog sa buong bansa. Kilala ring Rio Chico de Cagayan (”Munting Ilog ng Cagayan”), ang ilog ay matatagpuan sa lalawigan ng Kalinga.


May haba itong 174.67 km at nagsisimula sa kabundukan ng Cordillera, sa mga lalawigan ng Benguet, Ifugao, at Mountain Province. Umaagos ito pahilaga hanggang sumanib sa Ilog Cagayan. Ilan sa mga sangay nito ang Biga, Bunog, Mabaca, Pasil, Saltan, at Tanudan.


Ang pinagsamang river basin ng mga Ilog Chico at Magat ay bumubuo sa sangkatlo ng buong lawak ng saklaw ng Ilog Cagayan. Matatagpuan sa kaligiran ng Chico ang Bulkang Binuluan (o Bulkang Ambalatungan).


Itinuring ang Chico bilang ilog ng buhay ng mga Kalinga, na nananahan sa mga pampang nito. Noong 1980, pinaslang ng mga sundalo si Macliing Dulag, isang pinuno ng tribung Butbut ng mga Kalinga, sa bayan ng Tinglayan sa Ilog Chico.


Ipinagtatanggol ni Dulag ang karapatan ng kaniyang mga kababayan at ang kanilang pagmamay-ari ng lupa laban sa Chico River Basin Hydroelectric Dam Project ni Pangulong Ferdinand E. Marcos.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: