Ang pambansang parke ng hundred islands
On Paglalakbay
Ang Pambansang Parke ng Hundred Islands (hán·dred áy·lands) ay pangkat ng mga pulo na nása Lungsod Alaminos sa lalawigan ng Pangasinan.
Binubuo ito ng 124 pulo at nakakalat sa gulpo ng Lingayen. Pinaniniwalaang dalawang milyong taon na ang mga ito. Tatlo ang isinasaayos na para sa mga turista, ang islang Quezon, islang Gobernador, at islang Children.
Ang totoo, mga sinaunang korales ang mga pulo at lumitaw dahil sa pagbaba ng nibel ng tubig dagat. Ang tila kabuteng hubog ng mga pulo ay dulot ng unti-unting pagkain ng tubig sa lupa’t bato.
Isang saliksik ang nag-ulat na makikita sa ilang pulo ang bayawak, matsing, lumba-lumba, alamid, at ilang uri ng pagong.
Dinadayo ito ng mga turista para mamangka, maglangoy, mag-scuba, at manood ng mga pulo.
Ayon sa isang alamat, ang mga pulo ay bunga ng kasakiman. Noong araw, namatay ang hari sa pook na kinalalagyan ng Hundred Islands at naiwan ang magandang prinsesa na si Liglioa. Dalawang sakim na datu ang naghangad sa kaharian at sa prinsesa. Idinaan nila sa isang malaking labanan sa dagat ang kanilang hangarin. Pagkatapos ng labanan, natigib ang dagat ng mga nakalutang na bangkay at mga taob na bangka. Sa malaking himala, nanatiling nakalutang sa dagat ang mga ito. Pagtagal, naging parang mga bato ang mga ito, tinubuan ng damo at halaman, at naging ang mga pulo sa Hundred Islands ngayon.
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
Mungkahing basahin:
No Comment to " Ang pambansang parke ng hundred islands "