Alamíd
Ang alamid (Paradoxurus philippinensis) ay isang ilahas na pusa, maliit sa karaniwan, itim ang kulay, at nakatira sa kagubatan. Tumitimbang mula dalawa hanggang limang kilo. Ang katawan ay may habàng 53 sm at nababalot ng magaspang at gusot-gusot na balahibong batik-batik at kulay abo at itim. Ang buntot ay halos kasinghaba ng katawan nito na 48 sm. Ang mukha naman ay nagtataglay ng tila putîng maskara.
Nakatira ang alamid sa magubat na pook. Maaari rin itong matagpuan sa mga hardin na may matataas na puno at sa mga lugar na maraming pananim. Matalas ang mga kuko nito kayâ madalî itong nakakaakyat sa punongkahoy at mga alulod ng bahay. Ang pangunahing pagkain ng alamid ay mga hinog na prutas tulad ng berries. Kumakain din ito ng tsiko, mangga, rambutan, at kape pati maliliit na hayop at insekto.
Ang alamid ay mahilig mag-isa maliban na lamang kung naghahanap ito ng kapareha sa panahon ng pagpaparami ng lahi nito. Mas gisíng ito sa gabi kaysa araw. Kapag may panganib, naglalabas ito ng mabahòng amoy mula sa puwit nitó bilang depensa sa sarili.
Mahilig ding mag-iwan ng marka ang alamid sa pamamagitan ng pagdumi, pag-ihi, at paglalabas ng matapang na amoy nitó. Malaki ang naitutulong ng mga alamid sa pagpapanatili ng mga punongkahoy at halaman sa paligid dahil naikakalat ng mga ito ang buto ng mga prutas at halamang kinakain.
Karaniwang matatagpuan sa Timog at Timog-Silangang Asia, katutubo ito sa mga bansang India, Nepal, Bangladesh, Bhutan, Myanmar, Sri Lanka, Thailand, Singapore, Malaysia, Brunei, Darus-salam, Laos, Cambodia, Vietnam, Tsina, Indonesia, at Filipinas. Dinala rin ito sa Japan.
Sa Plipinas, tinatawag itong alamír, alimús, amíd, garong, milo, miro, pasla, pusang-gubat, at singgalong.
Sa Ingles naman ay Asian palm civet o toddy cat.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Alamíd "