Ang balud o imperial pigeon ay isang uri ng ilahas na kalapati mula sa family na Columbidae at genus na Ducula.


Mayroon itong nagsasalungatang kulay sa ulo, batok, at tiyan habang mas maitim ang mga pakpak at likuran. Mayroong kulay putî na may itim na pakpak at buntot; mayroon ding nag-aagaw ang kulay abo at rosas o abo at bughaw na mayroong berde; mayroong bughaw o kayumanggi ang likod at pakpak.


Ang ilan ay may marka sa paligid ng mga mata. Ang karaniwang laki nito ay nasa 205-245 mm ang pakpak, 121-174 mm ang buntot, 17-25 mm ang tuka, at 26-34 mm ang tarsus. Naninirahan ang mga ito sa mga punongkahoy at kumakain ng prutas.


Ang mga balud na endemiko sa Pilipinas ay ang ducula poliocephala (pinkbellied imperial pigeon), ducula mindorensis (Mindoro imperial pigeon), at ducula carola (spotted imperial pigeon); ang ilan pang uri ng balud na matatagpuan sa bansa ay ang ducula aenea (green imperial pigeon), ducula pickeringii (gray imperial pigeon), at ducula bicolor (nutmeg imperial pigeon).


Matatagpuan ang mga ito sa kagubatan ng Hilaga at Gitnang Luzon, Balabac, Calamianes, Dumeran, Palawan, Mindoro, Panay, Cebu, Dinagat, Leyte, Masbate, Negros, Samar, Sibuyan, Basilan, Sulu, at Tawitawi.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: