Sino si Guillermo Nakar?
Noong Hunyo 10, 1906, ipinanganak sa Infanta, Tayabas (ngayo’y lalawigan ng Quezon) si Guillermo Nakar. Isa siya sa mga pinunong pangmilitar na nanguna sa pagtatanggol sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Pumasok siya sa noo’y Philippine Constabulary Academy (ngayo’y Philippine Military Academy) at nagtapos noong taong 1932. Kaagad siyang sumapi sa Philippine Constabulary (ngayo’y Philippine National Police) at naabot ang ranggo na kapitan.
Nang isama ang PC sa US Army Forces in the Far East (USAFFE), naging komandante siya ng 1st Battalion, 71st Infantry Division. Nang sumiklab ang digmaan noong Disyembre 1941, pinangunahan niya ang kanyang yunit sa pagtatanggol ng Hilagang Luzon laban sa mga Hapon.
Ang pagkakakubkob ng mga Hapon sa Gitnang Luzon ang pumigil sa kanila na sumama sa pag-atras ng puwersang USAFFE patungong Bataan, kung kaya inorganisa nila ni Kapitan Manuel Enriquez ang mga nalalabing sundalo ng 11th at 71st Division bilang mga gerilya sa rehiyon ng Cagayan.
Batay na rin sa utos ng USAFFE Headquarters, tinawag muna ito na First Provisional Guerrilla Regiment. Kalaunan ay pinangalanan itong 14th Infantry Guerrillas at pinangunahan ng isang Amerikano, si Kapitan Everett Warner.
Noong Enero 13, 1942, ay nagsagawa sila ng pag-atake sa mga Hapones na nasa Tuguegarao, Cagayan. Napatay nila ang 100 mga sundalong Hapon at nasira ang tatlong eroplano na nakagarahe sa kalapit na paliparan.
Sa pagsuko ng Bataan noong Abril 1942 ay sumuko si Warner at kaagad siyang itinalaga ni Tenyente Heneral Jonathan Wainwright bilang bagong komandante.
Nang sumuko ang Corregidor noong Mayo 1942, nagpadala si Wainwright ng emisaryo upang utusan si Nakar — na noo’y isa nang tenyente koronel — na sumuko sa mga Hapones.
Matapos ang isang diskusyon kasama ang iba pa niyang mga opisyal, nagpasya sila na hindi sumuko at sa halip ay direkta nang makipag-usap kina Heneral Douglas MacArthur sa Australia. Lumipat rin sila ng base mula sa Isabela papuntang Maddela, Nueva Vizcaya.
Gamit ang isang radyo, ay nag-ulat sila kay MacArthur. Natuwa rito si MacArthur at inutusan sila Nakar na mangalap ng impormasyon sa bilang at pagkilos ng mga puwersang Hapones sa Lambak ng Cagayan.
Sa kanya rin ipinadala ni Pangulong Manuel Quezon ang mga tagubilin sa mga gobernador ng rehiyon na maari silang makisama sa mga Hapones upang pangalagaan ang kapakanan ng mga tao, ngunit huwag magbibigay ng personal na tulong sa mga mananakop.
Sa kasamaang palad, ilan sa mga kasama nila sa pangunguna ni Tenyente Leandro Rosario ang sumuko sa mga Hapon. Itinuro rin nila ang pinagtataguan ni Nakar, kung kaya nilisan ng huli ang kanilang base sa Nueva Vizcaya at lumipat sa Jones, Isabela.
Dito siya nahuli ng mga Hapones noong Setyembre 1942, at ikinulong sa Fort Santiago sa Maynila. Hinimok ng mga Hapones si Nakar na sumapi sa makipagtulungan sa kanila, ngunit tahasan siyang hindi pumayag.
Dahil dito, siya ay tinortyur at kalauna’y binitay sa Manila North Cemetery. Sa kabila nito, ipinagpatuloy ni Enriquez at ng iba pang mga gerilya sa Cagayan Valley ang laban.
Bilang parangal sa katapangang kanyang ipinakita ay iginawad sa kanya noong 1946 ang pangalawang pinakamataas na parangal pangmilitar ng Pilipinas, ang Distinguished Conduct Star. Itinaas rin siya kalaunan sa ranggong brigadier general.
Taong 1949, sa bisa ng Executive Order No. 246, inihiwalay ni Pangulong Elpidio Quirino ang mga baryo ng Anoling, Banglos, Batangan, Catablingan, Magsikap, Maligaya, Minahan, at Pamplona mula sa Infanta, Quezon at binuo ang bayan ng Heneral Nakar.
Samantala, noong 1978, ang Camp Wilhelm sa Lucena, Quezon ay ipinangalan kay Nakar sa bisa ng AFP General Orders No. 266. Ito ngayon ang kasalukuyang punong himpilan ng AFP Southern Luzon Command (SOLCOM).
Nilagyan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ng isang panandang pangkasaysayan ang kanyang monumento sa harap ng munisipyo ng General Nakar noong 2012.
Pinagmulan: Project Saysay (@ProjectSaysay)
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Sino si Guillermo Nakar? "