Fort Santiago
Maituturing na pinakakilalang moog sa buong bansa, ang plano sa pagbuo ng Real Fuerza de Santiago, o mas kilala bilang Fort Santiago ay sinimulan sa pamumuno ni Governor-General ng Santiago de Vera at sa abiso ni Rev. Fr. Antonio Sedeno, isang Paring arkitektong may kaalaman sa pagbuo ng mga kuta, ang makasaysayang matandang kuta na nakatutok sa Ilog Pasig ay pinangalanan hango sa St. Santiago de Apostol ng Espanya. Pumalit si Gobernador Gomez Perez Dasmarinas kay Vera noong 1590 at inutusan niya si Leonard Iturriano sa konstruksyon at pagpapalakas ng Maynilad na tinatayang may habang 2,000 talampakan.
Mas naging matimbang ang Fort Santiago noong huling bahagi ng ika-19 dantaon sapagkat saksi ito ng mga sumusunod na makasaysayang kaganpan: gaya ng pagkakakulong kay Dr. Jose Rizal bago ang kanyang kamatayan noong Disyembre 30, 1896 sa Bagumbayan at ang unang pagtatayo ng bandila ng Estados Unidos noong Agosto 13, 1898 matapos makubkob ang Maynila mula sa mga Kastila.
Sa kasagsagan naman ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Fort Santiago ay naging tahanan ng punong-tanggapan ng Japanese Gestapo (militar na pulis) at sa loob ng mga piitan ng kuta, makikita ang daan-daang politikal na bilanggong liban sa mga Pilipino kabilang ang mga Olandes, Briton, at mga Amerikano. Ibinalik ng mga puwersang Amerikano ang kuta sa Republika ng Pilipinas noong 1949.
Noong 1934, ginawaran ito ng unang panandang pangkasaysayan. Ito ay hinirang noong 1950 bilang “Shrine of Freedom”, alaala sa kabayanihan na ipinamalas ng mga Pilipinong bilanggo at pinatay sa panahon ng Espanyol at Hapones.
Para sa karagdagang kaalaman ukol sa iba pang makasaysayang pook at istruktura na kinikilala ng NHCP, mangyaring bisitahin ang https://philhistoricsites.nhcp.gov.ph.
Pinagmulan: @nhcpofficial
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Fort Santiago "