Ano ang senakulo?

Maituturing na isang sanga ng komedya ang dulang senakulo bagaman natatangi dahil hinggil lamang sa hulíng yugto ng buhay ni Hesukristo at itinatanghal lamang kung Mahal na Araw.


Mula ito sa salitang Espanyol na cenaculo, ang tawag sa pook o silid na pinangyarihan ng Huling Hapunan. Tulad ng pasyon, may mga pook na isang panata ng komunidad ang pagtatanghal at pagganap sa dulang ito.


Tulad sa komedya ang mga katangian ng senakulo, mula sa paggamit ng makukulay na kasuotan, mga diyalogong patula, hanggang sa paggamit ng kababalaghan. May mga iskrip na hinalaw lamang sa pasyon ang diyalogo.


Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ito iba’t ibang paraan ng pagtatanghal, mula sa mga payak na pagsasadula sa Marinduque hanggang sa mas magarbong produksiyon sa Cainta, Rizal.


Nagkaroon din ng iba’t ibang interpretasyon at nilangkapan ng napapanahong mensaheng panlipunan tulad ng Bagong Kristo (1907) ni Aurelio Tolentino na nagtatampok ng isang Kristo na isang lider-manggagawa, ang Christ (1977) ng Babaylan Theater Group na ukol naman sa isang magsasaka, may ararong naging krus, at inaapi ng kaniyang panginoong may-lupa, ang aktibistang Kalbaryuhan sa Maynila na si Juan de la Cruz ang Kristo.


Ang senakulo ay tinatawag ding pasion y muerte o pitong wika sa Bulacan, Pampanga, Pangasinan, at Rizal, tanggál sa Camarines Sur, taltál o pagtataltál sa Guimaras at Negros Occidental, senturyon at hudyuhan sa Paete, Laguna.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: