Ang Huling Hapunan ay tumutukoy sa pangwakas na hapunan ni Hesus at naganap kasáma ang kaniyang apostoles bago ang pagdakip sa kaniya, kalbaryo, at pagpapakô sa krus. Ito ang batayan ng sakramento ng Eukaristiya.


Nasasaad sa Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, Lukas at Juan na naganap ang Huling Hapunan sa pagtatapos ng linggo ng matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Herusalem at bago siya ipako sa krus.


Sa naturang hapunan, nabanggit ni Hesus ang tungkol sa magiging pagtataksil ng isa sa mga apostoles at pagtatatwa ni Pedro sa kaniya. Sinasabing naging batayan ng sakramento ng Eukaristiya ang ritwal ni Hesus ng pagkuha, paghati, at pagbibigay ng tinapay bilang kaniyang katawan at pagbabahagi ng alak bilang sariling dugo sa mga apostoles.


Wala ang tungkol sa tinapay at alak sa Ebanghelyo ni Juan, sa halip, isinaad nito ang paghuhugas ni Hesus sa paa ng kaniyang mga Apostoles. Tuwing Huwebes Santo, nagdaraos ang Simbahang Katolika ng huling misa bago ang Linggo ng Pagkabuhay na mayroong pagsasadula ng paghuhugas ng paa ng mga Apostoles na sinusundan ng prusisyon ng tinapay at alak bago ilagay ang mga ito sa altar.


Naging malaking paksang pansining ang Huling Hapunan. Pinakabantog ang obrang miyural na may gayunding pamagat ni Leonardo da Vinci noong siglo 15 sa Simbahan ng Santa Maria della Grazie sa Milan, Italya. Isa itong eksena ng Huling Hapunan batay sa Ebanghelyo ni Juan na ipinakikita ang mga reaksiyon ng mga Apostoles nang ihayag ni Hesus na isa sa kanila ang ipagkakanulo siya.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr