Simbahang Santa Maria
Kinilala ang simbahang ito dahil sa “pambihirang estilong pang-arkitektura na pag-aangkop ng Europeong Baroque sa Filipinas ng mga artisanong Tsino at Filipino.” Matatagpuan ito sa Santa Maria, Ilocos Sur.
Itinayo ang simbahan ng mga paring Agustino. Ang simboryo ay ginawa noong 1810 at natapos makalipas ang isang taon. Ang simbahan at kumbento ay nasa itaas ng isang burol kung kayâ’t nagbibigay ito ng panoramikong tanawin sa mga karatig-bayan at tabing-dagat. Mayroong mahigit 80 hagdang-bato mula sa paanan ng burol paakyat sa simbahan.
Gaya ng iba pang simbahang itinayo sa panahon ng pananakop ng Espanyol, ang patsada ng Simbahang Santa Maria ay napagigitnaan ng dalawang malalaking haligi at ang buong estruktura ay sinusuportahan ng iba pang matataas at malalapad na mga haliging semento.
Natatangi naman ang mamula-mulang kulay ng simbahan dahil yari ito sa adobe. Nakatayo sa bandang gilid ng simbahan ang nakahiwalay na kampanaryo na yari sa bato at parang isang pagodang Tsino na may patong-patong na hugis oktagonal na papaliit ang sukat pataas. Sa harap naman ng simbahan ay makikita ang kumbento na nakadugtong sa pamamagitan ng tulay na bato.
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Simbahang Santa Maria "