Ang (4) apat na simbahang baroque ng Filipinas ay ang mga Sumusunod:
  1. Simbahang Santa Maria
  2. Simbahang San Agustin
  3. Simbahang Paoay
  4. Simbahang Miag-ao


Simbahang Santa Maria


Ang Simbahang Santa Maria, na kilala rin bilang Simbahang La Asuncion De La Nuestra Señora ay isa sa apat na simbahang Baroque ng Filipinas na kabilang sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO.


Kinilala ang simbahang ito dahil sa “pambihirang estilong pang-arkitektura na pag-aangkop ng Europeong Baroque sa Filipinas ng mga artisanong Tsino at Filipino.” Matatagpuan ito sa Santa Maria, Ilocos Sur.


Itinayo ang simbahan ng mga paring Agustino. Ang simboryo ay ginawa noong 1810 at natapos makalipas ang isang taon. Ang simbahan at kumbento ay nasa itaas ng isang burol kung kayâ’t nagbibigay ito ng panoramikong tanawin sa mga karatig-bayan at tabing-dagat. Mayroong mahigit 80 hagdang-bato mula sa paanan ng burol paakyat sa simbahan.


Simbahang San Agustin


Ang Simbahang San Agustin ang pinakamatandang simbahang bato sa Filipinas.


Matatagpuan ito sa Kalye Hen. Luna at Calle Real sa Intramuros, Maynila. Idinisenyo ng Espanyol na si Juan Macias, ang simbahan ay mas naunang nakilala bilang Inglesia de San Pablo.


Isa ito sa apat na simbahang Baroque ng Filipinas na napabilang sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1993 dahil sa “pambihirang estilong pang-arkitektura na pag-aangkop ng Europeong Baroque sa Filipinas ng mga artisanong Intsik at Filipino.”


Unang itinayo ito noong 1571 nang ideklara ng mga Espanyol ang Maynila bilang kabesera ng bansa. Ang simbahan na yari lamang sa pawid at kawayan noon ay nasira agad nang lusubin ni Limahong ang Intramuros noong 1574.


Simbahang Paoay


Kilala rin bilang Simbahan ng San Agustin, ang Simbahang Paoay (Sim·bá·hang Pá·way) ay matatagpuan sa Bayan ng Paoay, Ilocos Norte.


Isa ito sa apat na simbahang baroque ng Filipinas na napabilang sa talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1993 dahil sa “pambihirang estilong pang-arkitektura na halimbawa ng pag-aangkop ng Europeong Baroque sa Filipinas ng mga artesanong Intsik at Filipino.”


Itinayo ang panulukang-bato ng simbahan noong 1704 at ang pundasyon ng kampanaryo nito, noong 1793. Nabuo ang simbahan noong 1894 sa pamumuno ni Padre Antonio Estavillo at pormal na pinasinayaan noong Pebrero 1896.


Simbahang Miag-ao


Ang Simbahang Miag-ao (miyág-aw) ay isa sa apat na simbahang Baroque ng Filipinas na naitala sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1993.


Ang simbahan ay matatagpuan sa bayan ng Miag-ao, sa Iloilo. Kinilala ang simbahan dahil sa “pambihirang estilong arkitektural nito na pag-aangkop ng Baroque Europeo sa Filipinas ng mga artesanong Tsino at Filipino”.


Itinayo noong 1787 ni Fray Francisco Maximo Gonzales, isang misyonerong Agustino, ang simbahan ay simbolo ng daan taong kultura at pamumuhay ng mga nanirahan sa Miag-ao. Sinasabing may dalawang maaaring pinagmulan ang tawag na Miag-ao, sa miagos (mi·yá·gos), isang ilahas na halamang noo’y mayabong na tumutubo sa lugar, at sa miyagaw (mi·yá·gaw).


Mungkahing Basahin: