Duplo
Ang duplo ay isang tradisyonal na larong mala-dula na itinatanghal kung may lamayan at tinatampukan ng mga makatang-bayan.
Layunin nito na magbigay na aliw sa naulila at makiramay, magbigay parangal sa kaluluwa ng yumao, at sa panig ng mga kalahok magpamalas ng talas ng isip at husay sa pagbigkas ng tula.
Hinahati sa dalawang pangkat ang mga kalahok, malimit alinsunod sa kasarian, isang hanay ang mga babae at tinatawag na belyaka at isa pang hanay ang mga lalaki at tinatawag na belyako. Nasa gitna at may trono ang Harì, at katabi ang Ministro o Piskal.
Sa paglalaro, karaniwang nag-uumpisa ito sa pagbabando ng isang problema. Maaaring nawawala ang singsing ng Hari o ninakaw ang kulasisi ng Hari at pagbibintangan ang isa sa mga kalahok. Itatanggi siyempre ito ng napagbintangan at ipapasa sa ibang kalahok. Magpapatuloy ang bintangan hanggang may mahuli o magpahuli.
Lilitisin ang nahuli at ito ang magiging tampok ng paglalaro. Malimit na belyaka ang napaparusahan. Malimit ding isa sa mga belyako ang tatayong abogado niya o Depensor (tagapagtanggol).
Inaasahan ding ang pinakamahusay na mga makata sa naroon ang gaganap Depensor at Piskal dahil maglulundo sa kanilang debate ang lahat. Tumatagal ang laro batay sa husay ng dalawa sa paglalatag ng mga katwiran mula sa karunungangbayan, popular na panitikan, pasyon, at mga salawikain at paggamit ng siste upang maaliw ang madla.
Isang pampahaba ang kunwa’y pagdating ng isang Embahador mulang ibang bayan. Bibigkas siyempre ito ng mga pagyayabang hinggil sa sarili at pinagmulan, bago maanyayahang umupo sa hanay ng mga belyako.
Maaari ding dalawa pa o mahigit ang dumalaw na Embahador at magtalumpati din. Samantala, maaari namang ang belyakang nasasakdal ay magpamalas din ng galíng sa pagbigkas at sumingit sa pagtatalo ng Depensor at Piskal. Gayundin ang maaaring gawin ng Hari at ng iba pang nais tumula, na umiisip ng paraan at dahilan upang makasingit.
Dahil isang matanda nang palabas, nakaipon ang duplo ng sariling tradisyonal na wika at tungkulin. Kailangang alam ng isang kalahok ang ibig sabihin ng tribulacion, numeracion, relacion, casero, putok na po, upang hindi mapahiya sa harapan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Duplo "