Dung-aw
Salitang Iluko ang dung-aw na nangangahulugang pagtangis at tumutukoy sa pagpapahayag ng dalamhati dahil nawalan ng mahal sa buhay. Para sa mga Ilokano, nakatutulong ang dung-aw sa paglalabas ng kanilang saloobin at nakapagpapagaan ng kanilang kalooban.
Sa burol, nagsisimula ang dung-aw sa mahinang pag-iyak ng namatayan hanggang sa lumakas nang lumakas ang kaniyang boses.
Sinuman ay maaaring magdung-aw, babae man o lalaki. Maaaring sabayan ito ng iba pang nagnanais maglabas ng hinanakit dahil sa pagkaulila.
Minsan, nagmimistulang isang buong koro ang nagdudung-aw na nadaragdagan ng mga tili at tindi ng paglalabas ng emosyon. Sinasabayan din ang pagbigkas ng nararamdamang pighati ng kakaibang gawain, gaya ng pagtalon sa mabababang bintana o kayĆ¢’y paghampas ng kamay sa dibdib.
Kadalasan, natatapos ang dung-aw sa mahinang pananalita. Ngunit, lingid sa kaalaman ng iba, ang pagtatapos ng dung-aw ay sanhi ng kapaguran at kung minsan ay nawawalan pa ng malay-tao ang mga gumagawa nito.
Para sa mga mamamayan naman ng Sagada, kinakanta ang dung-aw habang nasa sangadil o upuang nakalaan sa patay ang yumao.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Dung-aw "