On
Ang kangkong (Ipomoea aquatic) ay isang halaman na puwedeng pantubig at pangkatihan.


Itinatanim ito para sa mga dahon at sanga. Kilala ito sa wikang Ingles sa pangalang Water Spinach, Water Morning Glory, Water Convolvulus, o sa hindi maliwanag na pangalang “Chinese spinach” at “swamp cabbage.”


Sa ibang wika, may iba’t ibang tawag sa halamang ito, tulad ng Phak bung sa Thailand.


Matatagpuan ito sa lahat ng tropiko at subtropikong rehiyon sa mundo. Hindi malinaw kung saan ito nagmula. May sukat na 2-3 metro (7-10 piye) o higit pa ang katawan nitó, hungkag, at maaaring lumutang sa tubig. Ang mga dahon nito ay hugis palaso, 5-15 sentimetro (2-6 pulgada) ang habà at 2-8 sentimetro (0.8-3 pulgada) ang lapad. Ang mga bulaklak ay nagbibigay ng buto na maaaring gamiting pantanim.


Dahil madalî itong dumami sa mga daanan ng tubig at dahil hindi ito nangangailangan ng maselang atensiyon at pangangalaga, ekstensibo o malawak ang paggamit ng halamang ito sa lutuin.


Karaniwang iginigisa ang kangkong sa mantika, bawang at sibuyas, at nilalagyan ng suka at toyo. Tinatawag to na “adobong kangkong.” Karaniwan ding ginagamit ang kangkong bilang pansahog sa luto ng isda o karne sa sinigang. Mayroong pampaganang pagkain na kung tawagin ay “crispy kangkong,” ang kangkong ay iniluluto sa mantekilya o margarina hanggang maging malutong at magkulay ginintuang kayumanggi.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: