On
Ang kamantigì ay yerbang makatas, salit-salit ang mga dahon, kulay pinkang mga bulaklak, at mahibla at hugis itlog ang mga bunga.


Nakakain ang mga dahon nito at ginagamit na pantina ang mga bulaklak. Ang pangalang siyentipiko nito ay Impatiens balsamina, at kabilang sa pamilya ng mga halamang Balsaminaceae. Mayroon itong taas na 20-75 sentimetro, at mataba bagaman malambot ang mga tangkay. Ang mga dahon nitó ay may habang 2.5-9 sentimetro at may lapad na isa hanggang 2.5 sentimetro.


Maaari rin itong mamulaklak ng kulay pula, lila, o puti, na may diyametrong 2.5-5 sentimetro. Madalas itong itinatanim bilang halamang ornamental o bilang palamuti sa bakuran ng mga tahanan.


Ginagamit din ang kamantigì sa paggawa ng tsaa. Nagagamit naman ang iba’t ibang bahagi ng halaman upang gamutin ang ilang karamdaman at mga sakit sa balat. Nakakain ang dahon, buto at tangkay nitó kapag niluto.


Ang katas mula sa mga dahon nito’y nagpapagalíng ng kulugo at kagat ng ahas, samantalang nakapagpapalamig ng napasong balat ang mga bulaklak nito.


Sa iba’t ibang panig ng Asia, matagal nang ginagamit ang kamantigi bilang katutubong gamot sa rayuma, balì, at pamamaga ng mga kuko.


Ang hinog na bunga nito’y sumasabog kapag nahawakan kaya tinatawag din ito sa Ingles na “touch me not.”


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: