Ang lagundi (Vitex Negundo) ay isang malaking palumpong na karaniwang tumutubo sa mga latian at nakaugaliang gamitin bilang halamang-gamot.

 

Masanga ito at lumalaki nang hanggang limang metro ang taas. Mayroon itong isang makapal na kahoy na kahalintulad ng isang puno. Ang dahon nito ay katulad ng palad na may limang tulis na parang mga daliri ng kamay na may habàng 4-10 sentimetro at bahagyang mabuhok sa ilalim. May bulaklak din itong kulay asul o kulay lila.


Sa pag-aaral ng Kagawaran ng Kalusugan, napatunayang nakapagpapagaling ang halamang lagundi. Napatunayan din ito ng iba pang siyentistang nakabase sa Filipinas. Karaniwang ginagamit ang lagundi sa pagpapagaling ng ubo, sintomas ng hika, at ibang problema na may kinalaman sa paghinga.


Ang lagundi ay ginagamit din para maibsan ang iba’t ibang karamdaman.


Kabilang sa benepisyong dulot nito ay ang mga sumusunod:

  1. ginhawa sa rayuma, di-pagkatunaw ng pagkain, at pagdudumi; 
  2. pagpapagaling ng ubo, sipon, lagnat at trangkaso at iba pang sakit sa baga; 
  3. ginhawa sa sintomas ng bulutong-tubig; at 
  4. pagtanggal ng bulate sa tiyan. 


Ang dahon naman ng lagundi ay itinuturing ding pamatay-insekto at inilalagay sa pagitan ng mga pahina ng libro at mga nakatiklop na damit gaya ng seda at lana upang mapangalagaan ito laban sa mga insekto.


Ang lagundi ay tinatawag ding

  • dabtan (Ifugao), 
  • danglaat limo-limo (Iloko), 
  • kamalan (Tagalog), 
  • lagundi (Ibanag, Bikol, Panay Bisaya), 
  • liñgei (Bontok), 
  • sagarai (Bagobo), at 
  • turagay (Bisaya). 


Sa kasalukuyan ay inaprubahan na ng Department of Science and Technology (DOST) ang clinical trials ng lagundî laban sa COVID-19.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: