Ano ang alagaw?

Ang alagaw (Premna odorata blanco) ay isang halamang medisinal, maliit na punongkahoy na tumataas nang tatlo hanggang walong metro, balahibuhin ang ibabaw ng dahon, mapusyaw na lungti hanggang putî ang bulaklak, malaman na lila ang bilugang prutas, at nabubuhay sa aplaya. Matatagpuan ito sa halos lahat ng bahagi ng Pilipinas.


Ginagamit ang murang dahon nito sa pagluluto ng paksiw at bopis. Ang pinakuluang dahon na may halong kalamansi at asukal ay nakapagpapagalíng ng ubo, lagnat, at sakit ng tiyan.


Ang pinakuluang ugat, dahon, bulaklak, at bunga ay gamot pampapawis, pampaihi, at pantanggal ng sakit ng dibdib. Ang dinurog na dahon ay mainam pampahid sa sakit ng ulo.


Ang paglunok ng laway na nalikha mula sa pagnguya ng ugat nito ay pinaniniwalaang nakapagpapagalíng ng sakit sa puso. Ginagamit din ang dahon at bulaklak nitó bilang pampaligo ng mga sanggol at panlinis ng puwit at ari ng babae. Ang dahon ay isa sa pitóng sangkap ng pitó-pitó.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: