Ang asola o azolla ay kimpal ng yerbang pantubig na may maliit na sanga, at payat ang mga ugat.


May pangalang siyentipiko ito na Azolla pinnata. Katutubo ito sa Filipinas, at matatagpuan din sa ilang bahagi ng Aprika, Asia at Australia. Dalawampu hanggang 30 bahagdan ng asola ay protina kaya idinadagdag din ito sa patuka ng manok.


Nabubuhay ang asola sa tahimik at may mabagal na agos na anyong tubig, dahil sinisira ng malakas na agos o alon ang halaman.


Humahaba nang hanggang 2.5 sentimetro ang patatsulok nitong sangang maberde na lumulutang sa tubig. Tinutubuan ang sanga-sanga nito ng bilugan o may kantong mga dahon na nagpapatong-patong at may habang isa hanggang dalawang milimetro.


May kulay na berde ang dahon nito, na mangasulngasul, o kung minsa’y madilim na pula na nababalutan ng maliliit na tila buhok kaya may dating itong tila tersiyopelo.


Dahil sa mabuhok na rabaw ng dahon kaya ito hindi napapasok ng tubig at lumulutang kahit itulak pababa sa tubig. Inilalayo rin nito ang asola sa ibang mga halaman.


Nagtataglay ang dahon nito ng cyanobacterium Anabaena azollae na tumutulong sa pagsasaayos ng nitroheno sa atmospera upang magamit ng halaman. Tinutulungan nito ang asola na mamuhay sa mga lugar na may mababang nitroheno. Humahaba naman ang ugat nito palalim sa tubig.


Madalas na ituring na peste ng daang-tubig ang asola dahil binabawasan nito ang oksiheno sa tubig.


Samantala, pinatutubo naman ito ng mga magsasaka sa kanilang taniman ng palay dahil nga tumutulong ito sa paglikha ng nitroheno, na nakatutulong naman sa pagpapataba ng lupa. May kakayahan din ang asola na sumipsip ng polusyong metal, tulad ng tingga, sa tubig.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: