Ang kamanyang ay mabangong balsamo na mula sa balat ng punongkahoy (Liquidambar orientalis) na gayundin ang pangalan.


Tinatawag itong storax sa Ingles mula sa styrax ng Latin. Inihahalo itong pampabango sa insenso (mula sa Espanyol na incienso) na ipinansusuob sa dambana at sa maysakít.


Sa ngayon, naituturing na iisa ang kamanyang at ang insenso.


Isang banal na bahagi ng misang Katoliko ang pagsusuob ng kamanyang. Dagdag na simbolo ng kabanalan nito ang pangyayari na isa ito sa tatlong alay ng Tatlong Hari sa sanggol na si Hesus.


Ang tatlong alay ay ginto na simbolo ng yamang materyal, míra na simbolo ng pagpapakasakit, at kamanyang na simbolo ng kabanalan.


Sinasabi ngayon bilang tayutay na may “alay na kamanyang” para sa hari o sa musa ng pagdiriwang na nais parangalan. Gayunman, ginagamit pa rin sa kanayunan bilang pansuob sa maysakít ang kamanyang upang gumaan ang paghinga.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: