Ano ang lambat?
Pangunahing gamit ang lambat sa iba’t ibang uri ng panghuli ng isda, gaya ng galadgad, pante, bintol, bintahan, tangab, pukot, at baklad.
Tinatawag ding dála ang malapad na uri nitong may mga pabigat upang lumubog kapag inihagis sa tubigan. Karaniwang maliit at manipis ang lambat na panghuli ng ibon o insekto.
Kadalasang yari sa mga hiblang naylon, lana o sutla ang mga lambat. Karaniwang binubuo ang mga mata nito (o mesh size) sa pamamagitan ng pagbubuhol ng maninipis na hibla.
May iba’t ibang paraan sa pagpilì ng nararapat na gamiting lambat sa pangingisda. Maaaring iayon ito sa klase at sukat ng pangisdaan, sa uri ng isdang huhulihin, at sa kondisyon ng pangingisda.
Sa halos lahat ng ito, mainam na gamitin ang lambat na gawa sa sintetikong hibla. Kailangang ang lambat na ginagamit sa paggawa ng galadgad ay may matibay na buhol, mataas ang posibilidad na pahabain, maliit na diyametro, at hindi agad nasisira.
Sa kasalukuyan, malaki ang pagpapahalaga sa pangangalaga at pagprotekta sa mga kayamanan ng karagatan. Dahil dito, importanteng isaalang-alang ang pagpilì ng angkop na materyales para sa paggawa ng mga paraan ng pangingisda.
May mga batas na nagkokontrol sa sukat ng mata ng lambat at ang klase ng pamamaraan ng pangisda na pinapayagang gamitin sa baybaying dagat.
Ipinagbabawal sa Filipinas ang paggamit ng lambat na ang mata ay mas maliit sa tatlong sentimetro, maliban sa panghuhuli ng maliliit na bangus (kawag-kawag), padas, hipon, banak, at mga isdang likas na maliliit na tulad ng tabyos at alamang.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ano ang lambat? "