On
Ang galadgad ay isang kasangkapang pangisda na may lambat na hugis kono o apa na gawa sa dalawa, apat, o higit pang panel na hinahatak ng isa o dalawang bangka sa ilalim o gitna ng dagat.


Ang dulo na hugis kono ay may bag at doon naiipon ang isda o hipong nahuhuli. Habang ang lambat ay binabatak, pinananatili ang pahalang na bukasan sa pamamagitan ng balangkas na yari sa bakal o kaya ay sa pagitan ng dalawang bangkang bumabatak.


Iba’t iba ang bilis ng paghatak at ito ay ayon sa klase ng galadgad at isdang tinatarget hulihin. May iba’t ibang aparato na nagbibigay ng puwersa para ang lambat ay mapanatiling nakabukas nang pahalang at patayo. Ito ay ang pampalutang at pampabigat. Ang laki ng mata ng lambat sa dulo ay ginagamit upang kontrolin ang laki at espesye ng isda na nahuhuli. Ang prinsipyo ng paghuli ay ang pagsala ng tubig.


Tinatawag na trawl sa Ingles, may dalawang klase ng galadgad: maliliit (hindi hihigit sa 3 tonelada ang bangka) na ginagamit ng mga maliliit na mangingisda at ang malalaki (higit sa 3 tonelada ang bangka) na ginagamit ng mga komersiyal na mangingisda.


Ang galadgad na ginagamit sa gitna ng dagat ay nakakahuli ng mga isdang karaniwan ay nagsasama-sama tulad ng dilis, sardinas, alumahan, at hipon. Ang madalas mahuli naman ng galadgad na nasa ilalim ng dagat ay sapsap, isdang lapad, bisugo at mga isda sa tangrib.


Sa kasalukuyan ang galadgad ay ginagamit sa halos lahat ng karagatan sa buong mundo. Pero sa Filipinas ang paggamit nito ay nagsimula noong 1945, 1946. Simula nang gamitin ang galadgad, marami nang naiulat tungkol sa hindi magandang dulot nito, lalo na kapag ginagamit sa may baybayin. Ang dahilan ay hindi ito namimilì ng laki at espesye ng isdang hinuhuli. Lahat ng lamang-dagat na madaanan ng galadgad ay hinuhuli nito, kahit maliit o malaki, maibebenta o hindi.


Sa Pilipinas, ipinagbabawal ng batas ang paggamit ng galadgad sa tubig na nasasakupan ng isang munisipyo o hanggang 15 kilometro.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: