Lurung
Hinuhuli ito karaniwan sa tulong ng mga pinong lambat, na tinatawag na tak-kwe at sonsoru o kaya ng kawayang pangisda na tinatawag na pateng.
Hindi nakararating sa palengke ang huli dahil kaagad binibili ng mga mamamakyaw at may-ari ng restoran. Itinuturing na mamahalíng pagkain ang inihaw, nilaga, o pritong lurung at malinaman kahit walang anumang sangkap.
May mga eksperimento na upang alagaan ang lurung ngunit wala pang nagtatagumpay. Sinasabing namumugad ito sa mga malinis at malinaw na batis sa timog-silangang bahagi ng Sierra Madre at kumakain lamang ng lumot.
Napakaliit ng bibig nito kaya hindi maaaring hulihin sa bingwit. Lumalangoy ang mga ito paluwas nang may kani-kaniyang pangkat.
Nauuna ang tinatawag na atabatabiok o taliba, karaniwang isang talampakan ang haba. Inihuhudyat ang pagdating ng mga ito sa Ilog Cagayan ng hinihan ng mga panggabing ibon na sumusubaybay sa pagluwas ng mga isda.
Kapag narinig ang hunihan ng ibon, naghahanda na ang mga mangingisda. Sumusunod na pangkat ang mga inahin at mga bantay na lalaki. Pagkatapos, mangitlog ay lumalangoy muli paitaas ang mga lurung. Bandang Pebrero ay sumusunod paitaas ang mga napisa sa itlog.
Dahil pambihira ang lurung, maraming alamat nang iniuugnay dito ang mga Ibanag. Itinuturing nilang taunang handog ng diwata ng ilog ang isda.
Ang pagdating ng lurung ay nakatapat sa inam-matay o pag-uwi ng mga namayapa. May alamat ding ang mga bayaning Ibanag na sina Biuag at Malana ay naglaban sa pag-ibig ng diwata ng ilog na may mga labìng kasinliit ng bibig ng lurung.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Lurung "