Alakaak
Ang isdang alakaak ay kabilang sa pamilya Sciaenidae. Ito ay kilala rin sa tawag na abo, gulama, o lagis.
Matatagpuan ito sa mga karagatang Atlantiko, Pasipiko at Indian, mula India at Sri Lanka hanggang silangang bahagi kasáma ang timog Tsina, Filipinas, at Indonesia. Naglalagi ito sa estuwaryo at baybay.
Ang palikpik sa likod ay mahabà, at may malalim na bingaw sa pagitan ng matinik at malambot na rayo. Ang matinik na bahagi ay may 13-16 tinik at ang malambot naman ay may isang tinik. Ang palikpik sa puwit ay kadalasang may 1-2 mahihinàng tinik.
Ang linya sa gilid ng katawan ay umaabot sa dulo ng buntot. Ang bukana ng hasang ay may kapirasong buto sa itaas. May mga ilang uri na isa lang ang barbel o kayâ naman ay may patse ng mga maliliit na barbel sa may babà. Ang nguso at ibabâ ng panga ay may mga napakaliit na butas.
May ilang uri ng alakáak at ang pangkaraniwan ay ang Dendrophysa russelii. Ang katawan ay bahagyang pikpik at pabilog, at ang lalim ay 3-4 ng kabuoang habà ng katawan. Ang nguso ay pabilog at medyo nakausli lagpas sa dulo ng itaas na panga. Ang bibig ay mababà, ang taas na panga ay mas maliit sa kalahati ng ulo, at may nag-iisang barbel sa babà.
Hindi masyadong makikilála ang pagkakaiba ng malalaki at maliliit na ngipin. Hindi malawak ang pagitan ng malaking ngipin at bumubuo ng hanay sa labas ng itaas na panga. Walo ang ibabâng kalaykay sa hasang. Ang pantog panlangoy ay kahugis ng isang karot na may 15 pares ng karagdagang bahagi na kahawig sa isang punò. Labing-isa ang kabuoang tinik sa palikpik sa likod samantalang dalawang tinik naman ang sa palikpik sa puwit.
Ang likod ng katawan ay kulay abo at nagiging putî papuntang tiyan. Ang itaas na gilid ng palikpik sa likod ay maitim. Ang karaniwang habà ay 15 sentimetro at ang pinakamalaking naitala ay 25 sentimetro. Ang espesye na ito ay pinaniniwalaang may aparato na lumilikha ng tunog kapag oras ng pangingitlog na nagaganap tuwing tag-init.
Kadalasan ay lumalangoy ito nang magkakasáma. Kumakain ito ng alimasag, hipon, uod, at mga isda. Ito ay sikat pagkain ng tao at karaniwang ibinebenta nang sariwa o tuyo.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Alakaak "