On
Dalagambukid o Dalagang-Bukid


Kabilang sa pamilya Caesionidae ang isdang tinatawag na dalagambukid o dalagang-bukid. Kadalasang makikita ang isdang ito sa tropikong bahagi ng Indo-Pasipiko.


Maraming uri ng dalagambukid pero pinakamarami ang nasa grupo ng Caesio. Nagkakawan ang mga ito sa kalagitnaang lalim ng dagat o kaya naman ay sa malapit sa tangrib.


Manipis at bahagyang palapad ang katawan ng isdang ito. Maaaring may guhit sa tagiliran nito at kulay dilaw ang buntot na may itim na guhit o mantsa sa dulo.


Dumaraan sa mata papuntang buntot ang pahabang ikiran nito magmula sa nguso. Kapansin-pansin din na nakalitaw ang maliit na bibig ng dalagambukid. Bagama’t may maliliit at mahihinang ngipin ang karamihan, hindi ito hadlang para sagpangin ang maliliit na hayop na kinakain.


Kulay dilaw o abuhing asul ang itaas na bahagi ng katawan samantalang puti o rosas naman ang bandang ibaba at tiyan nito. Putî o rosas din ang mga palikpik nito samantalang malaki at dilaw ang buntot. Marami at nananatiling palutang-lutang (o planktonic) ang mga itlog na inilalabas ng dalagambukid.


Natatagpuan ang dalagambukid sa dagat tropiko sa lalim na 60 metro. Hindi ito gumagala sa ibang lugar. Ang sama-samang paglangoy ng isang kawan ng dalagambukid ay tanda ng pag-iwas na makain ng ibang mas malaking isda. Kapag walang panganib, naghihiwa-hiwalay ang mga dalagambukid upang manginain.


Hinuhuli ang isdang ito sa pamamagitan pamimingwit, bitag, pante, at muro-ami.


Sa Pilipinas, isa ang dalagambukid sa mga importanteng nahuhuli ng mga maliit na mangingisda.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: