Bulkang Hibok-Hibok
Mayroon itong anim na bukal na naglalabas ng mainit na tubig, ang
- Ardent,
- Tangob,
- Bugong,
- Tagdo,
- Naasag, at
- Kiyab.
May tatlo rin itong bunganga na pinagmulan ng mga nakaraang pagsabog, ang
- Kanangkaan (1948),
- Itum (1949), at
- Ilihan Crater (1950).
Dahil rin sa mga nakaraang pagsabog nito, nabuo ang Mt. Vulcan na nasa hilagang kanluran ng HibokHibok; ang Mt. Mambajao na nasa gitna ng Camiguin at kasalukuyang namiminahan ng asupre; ang Mt. Ginsiliban na nása pinakatimog na bahagi ng Camiguin; at Mt. Uhay na nása hilaga ng Mt. Ginsiliban. Nabuo rin ang Campana Hill, Minokol Hill, Tres Marias Hill, Mt. Carling, Mt. Tibane, at Piyakong Hill.
Unang pumutok ang Bulkang Hibok-Hibok noong 1827 at nasundan noong 1862. Parehong nagdulot ng malaking pinsala sa mga taniman ang mga pagsabog na ito.
Noong Enero 1871, ang mga lindol at pagyanig sa ilalim ng bulkan na tumagal hanggang Abril ay sinundan ng pagbuga ng mga bato at abo na sumira sa kalupaan at mga plantasyon sa dulong hilaga ng Camiguin. Sa pagsabog na ito nabuo ang isa sa mga simboryo ng bulkan na tinawag na Vulcan at umabot ang taas nito sa 457 metro.
Ang kasalukuyang simboryo ng bulkan ay nagbuga ng maputing usok ng asupre na sumisira sa mga pananim sa lugar. Tumagal ang ganitong aktibidad ng bulkan hanggang 1902 at naulit ang ganitong pagbuga ng asupre noong 1948 na nagresulta sa pagkakaroon ng panibagong butas sa bulkan.
Nang sumabog ito noong 4 Disyembre 1951, may 500 katao ang namatay, nasunog ang maraming bahay, at maraming nasirang pananim. Dahil sa pagiging aktibo, maraming naninirahan sa paligid nito ang lumipat sa ibang kalapit na pulo.
Ang pagputok ng Bulkang Hibok-Hibok noong 1951
Sa buong Pilipinas, aabot sa mahigit 300 ang bilang ng mga bulkan, at 22 sa kanila ay mga aktibo at nagbabadyang mag-alburoto anumang oras. Isa na rito ang bulkang Hibok-Hibok sa lalawigan ng Camiguin, at naitala sa araw na ito noong 1951 ang isa sa mga pinakamapaminsalang pagsabog nito sa lumipas na ilang dekada.
Umaga noong araw na iyon nang nagsimulang pumutok ang bulkang Hibok-Hibok, na naglabas ng kumukulong lava, nakalalasong usok at nagdulot rin ng mga pagguho ng lupa. Napinsala ng pagsabog ng Hibok-Hibok ang halos 19 sa 237.95 kilometrong kwadrado ng kalupaan sa buong lalawigan ng Camiguin, na sakop hanggang sa kabisera nito na Mambajao.
Nagdulot ang pagsabog na iyon ng malalaking halaga ng mga nasirang ari-arian, imprastruktura at mga taniman, at umabot sa halos 3,000 katao ang nasawi sa pagsabog na iyon ng Hibok-Hibok, 500 sa kanila ang mga residente ng Mambajao. Nakaapekto rin sa bilang ng populasyon ng lalawigan ang nangyaring pagsabog ng Hibok-Hibok, na umabot sa higit 34,000 katao ang populasyon ng Camiguin mula sa dating bilang na 69,000. Resulta ng pagsabog ng Hibok-Hibok noong 1951, naging daan ito sa pagtatatag ng pamahalaan ng isang ahensya para tumutok sa seismikong aktibidad ng mga bulkan at mga paggalaw ng faults. Nilikha noong ika-20 ng Hunyo, 1952 sa bisa ng Republic Act no. 766 ang Commission on Volcanology (ComVol), ang ninuno ng kasalukuyang Philippine Institute on Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Isa ang bulkang Hibok-Hibok sa mga pitong aktibong bulkang matatagpuan sa lalawigan ng Camiguin, na mas marami pa ang mga bulkan kaysa sa mga bayan ng lalawigang iyon. May taas na 1,332 metro mula sa lebel ng dagat ang bulkang Hibok-Hibok, at matatagpuan sa hilagang-kanlurang bahagi ng isla ng Camiguin. Naitala ang limang insidente ng pagsabog ng Hibok-Hibok; una ay noong 1827, 1862, 1871 hanggang 1875, 1897 hanggang 1902, at mga pagputok mula 1948 hanggang 1953. Isa sa mga popular na pasyalan sa Camiguin, ang sunken cemetery, ay resulta ng nangyaring pagputok ng kapitbahay na bulkang Vulcan noong 1870.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Bulkang Hibok-Hibok "