Bulkang Pinatubo
Ang pagkausli ng bulkan ay humigit-kumulang 1,486 metro o 4,875 na talampakan. Kabilang sa natatanging katangian ng bulkang ito ay ang kagubatan na pinagkukunan ng pagkain ng mga Aeta o mga katutubong tao. Sinasabing hulíng pumutok ito 600-800 taón at malakas din ang pagsabog.
“Nagising” bigla ang Bulkng Pinatubo noong 15 Hunyo 1991 at naging malaking balita sa buong mundo. Itinuring itong pangalawa sa pinakamalakas na pagyanig ng lupa, pagkatapos ng Katmai-Novarupta sa Alaska noong 1912.
Isang artikulo sa New York Times ang nagsabing ito ang pinakamalaking lindol sa ika-20 siglo. Nabungi ang 260 metrong tuktok ng bulkan at siyam na oras tumagal ang pagyanig.
Lumubog sa lahar ang maraming bayan sa Zambales, Tarlac, at Pampanga. Nagbuga ito ng 20 milyong tonelada ng sulfur dioxide at abo na kumalat pakanluran, umikot sa mundo sa loob ng tatlong lingo, at bumalot sa mundo sa loob ng 12 buwan. Tinatayang may 740 katao ang namatay at 8,000 estruktura ang nasira. Umaabot sa 450 milyong dolyar ang napinsala.
Nagparamdam ang bulkan noong Hulyo 1990 sa pamamagitan ng malakas na lindol sa Gitnang Luzon. Sinundan ito ng manaka-nakang paglindol noong Marso hanggang Hulyo 1991. Dahil sa pagsabog, lumíkas ang mga Amerikano sa base militar sa Clark Field at hindi na nagbalik. Naging malaking negosyo naman sa Pampanga ang pagpigil sa daloy at paghakot ng lahar at nagbunga ng korupsiyong kinasangkutan ng matataas na politiko sa lalawigan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Bulkang Pinatubo "