Crisanto Abano Evangelista
Si Crisanto Abano Evangelista (Kri·sán·to A·bá·no E·bang·he·lís·ta) , mas kilalang Ka Anto, ay tanyag na lider obrero at itinuturing na Haligi ng Unyonismong Filipino. Itinatatag niya ang Congreso Obrero de Filipinas (COF) noong 1924 at Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong 1930.
Isinilang siya sa Meycauayan, Bulacan noong 1 Nobyembre 1888 kina Florencio Evangelista at Feliciana Abano.
Nag-aral siya ng elementarya sa kaniyang bayan at pagkaraan ay nagtungo sa Maynila para ipagpatuloy ang pag-aaral. Upang matustusan ang kaniyang pangangailangan, namasukan siya bilang trabahador sa mga palimbagan. Sinasabing ito ang nagsangkot sa kaniya sa mga kilusang manggagawa.
Ikinasal siya kay Lucia Guzman ng Paco, Maynila noong Enero 1912 at nagkaroon ng siyam na anak.
Naging Sekretaryo Heneral siya ng Union Impresores de Filipinas noong 1906 hanggang sa maging
Pangulo ng organisasyon noong 1918. Sa kaniyang pamumuno, naipatupad ang Collective Bargaining Agreement bilang bahagi ng kahingian ng mga manggagawa para sa mas mataas na sahod at maunlad na pamantayan sa trabaho. Noong 1919, nakilahok siya sa misyon sa Estados Unidos para sa kasarinlan ng Pilipinas na pinamunuan ni Manuel Quezon. Doon ay natuto siya ng mga kaisipang makakaliwa mula sa American Federation of Labor at iba pang unyon sa Amerika.
Nang tumiwalag siya sa Partido Nacionalista kasama ng ibang makakaliwang politiko, itinatag nila ang COF noong 1922. Nahalal siyang pangulo ng naturang organisasyon noong 1924 at nilayong buklurin ang mga manggagawa laban sa kolonyalismong Amerikano at hindi makataong kondisyon sa trabaho. Muling inorganisa ang kanilang grupo bilang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong 7 Nobyembre 1930 sa ika-13 anibersaryo ng Rebolusyong Oktubre ng mga Ruso. Pinamunuan niya ang PKP hanggang sa ipinagbawal ito ng Korte Suprema noong 26 Oktubre 1932. Ipinakulong si Ka Antong noong papatapos ang naturang dekada at nagkaroon ng mga pakikipag-usap kay dating Pangulong Manuel Quezon para sa pakikipagkasundo.
Bukod sa pagiging aktibong lider obrero, binigyang puwang din niya ang panitikan sa kaniyang buhay. Sa isang pagdiriwang ng Damayang Mahihirap, binigkas niya ang kaniyang tulang Ang Sigaw ng Dukha noong 1913. Nang sakupin ng Hapon ang Pilipinas noong 1942, inaresto at pinatay matapos ang pagtatangka ng mga sundalong Hapon na gamitin siya sa pakikipag-usap at pag-ipit sa Hukbalahap.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Crisanto Abano Evangelista "