On
Ang isdang asohos ay kabilang sa pamilya Sillaginidae at ang pinakakilaláng uri ay ang Sillago.


Matatagpuan ito sa kanluran ng Indo-Pasipiko, mula Red Sea at Knysna, Timog Aprika hanggang Japan at Timog Australia.


Ang katawan ng asohos ay pahaba, may maliit at matalas na bibig. May dalawang palikpik sa likod, ang unahan ay may 10-13 payat na tinik samantalang ang likod na palikpik ay may isang tinik at 16-27 malambot na tinik.


Ang buntot sa puwit ay mahaba at may dalawang tinik. Maraming uri ng asohos at ang pangkaraniwan ay ang Sillago sihama.


Ang palikpik sa likod ay may 11-13 tinik samantalang ang palikpik sa puwit ay may 2 tinik. Ang pantog panlangoy ay may tigalawang dugtong sa unahan at hulihan.


Mababa ang linya sa gilid ng katawan at may 70 kaliskis. Ito ay may karaniwang habà na 20 sentimetro at ang pinakamalaking naitalâ ay 31 sentimetro. Ang pinakamatanda naman ay pitong taon.


Ang asohos ay naglalagi sa baybayin, buhangin, bakawan, at estuwaryo. Ito ay makikita rin sa mga tubig tabang. Lumalangoy nang magkakasama, kapag nabulabog ay inililibing ng mga tigulang ang kanilang sarili sa buhangin. Kumakain ito ng plangkton, uod, maliliit na isda at hipon. Bihira ang nahuhuli ng galadgad. Ito ay ibinebenta nang sariwa o inilagay sa yelo.


Sa Pilipinas, ang asohos ay kasama sa talaan ng mga isdang pinoprotektahan ng batas sapagkat ito ay naglalakbay sa pagitan ng dagat at mga ilog.


Ipinagbabawal ng Philippine Fisheries Code o Republic Act 8550 at Fisheries Administrative Order 217 ang pagtatayo ng kahit na anong uri ng estruktura sa mga ilog at estuwaryo na maaaring humarang sa pagdaan ng mga isdang naglalakbay tulad ng asohos.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: