Dilis
Madalas na makikitang sama-sama sa paglangoy ang mga dílis sa mababaw na bahagi ng baybaying dagat at wawa, sa malalamig at maiinit na rehiyon.
Maliit na isda ang dilis na karaniwang lumalaki lamang ng hanggang 15 sentimetro, bagama’t ang pinakamahabang naitala ay umabot ng 50 sentimetro.
Bahagyang nanganganinag ang katawan nito na may kulay pilak na linya o guhit sa ibabâng tagiliran. Mapusyaw na dilaw ang mga palikpik nito na minsan ay parang kulay kahel tulad ng bibig. Kadalasang mahaba at payat ang ibabâng panga nito, malalaki ang mga mata, at may talukap na halos takpan na ang buong mata.
Maraming uri ng dílis sa mundo. Isa ang uri na natatagpuan sa Look Maynila sa Pilipinas, ang Encrasicholina oligobranchus.
Iba ang dilis na ito na may katawan at tiyang mabilog at may limang matalas na tinik na hugis karayom malapit sa palipik sa baywang, may mababang bibig, at matutulis na mga ngipin sa panga.
Lumalaki ito ng humigit-kumulang sa 6.2 sentimetro. Hinuhuli ang dílis sa pamamagitan ng pangulong at galadgad.
Sa Pilipinas, malaking pakinabang ang panghuhúli ng dílis sa kabuhayan ng mga mangingisda. Ginagamit itong sangkap sa paggawa ng bagoong at patis, at pain sa panghuhuli ng malalaking isdang tulad ng tuna, apahap, banak, at lapulapu.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Dilis "