On
Idinirihe ni Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro at Pelikula Lamberto Avellana ang pelikulang Badjao (1957). Muling nagtambal dito sina Tony Santos Sr. at Rosa Rosal.


Inilalahad sa pelikula ang pamumuhay ng mga katutubong magdaragat ng Mindanao at ang paghihirap ng magsing-irog na naiipit sa tunggalian ng dalawang tribu, ang mga Badjaw at mga Tausug.


Iniwan ni Hassan, anak ng pinuno ng mga Badjaw, ang pananahan sa dagat kasama ang mga Badjaw at mamumuhay kasama ang mga Tausug dahil sa pagpipilit ng kaniyang mapapangasawang si Bala Amai, pamangkin ng datu ng mga Tausug.


Pakikinabangan ng datu ng mga Tausug ang husay ni Hassan sa pagsisid ng mga perlas. Gayunman, hahamakin ng mga Tausug si Hassan dahil Badjaw. Ngunit sa huli, si Bala Amai ang hindi makatitiis sa pang-aapi sa kaniyang bana at siyang aangal sa kaniyang mapang-abusong tiyuhin. Tatalikuran ni Bala Amai ang mga Tausug at sasamáhang umuwi si Hassan sa mga Badjaw.


Ang produksyon ay isa sa mga pangahas na sugal sa takilya ng prodyuser na si Manuel de leon habang pinamahalaan niya ang LVN pictures. Humakot ng mga gantimpala sa 1957 Asian Film Festival ang Pelikula.


Nagwagi si Lamberto Avellana ng pinkamahusay na Direksyon, si Rolf Bayer ng pinakamahusay na Dulang Pampelikula, si Gregorio Carballo ng Pinakamahusay na Editing, at si Mike Accion ng Pinkamahusay na Sinematograpiya.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: