Sino si Chichay?


Si Chichay (Tsí·tsay), o Amparo R. Custodio sa totoong buhay, ay isang Filipinang komedyante na sumikat dahil sa kaniyang maliit at pandak na tindig, nakalilibang na boses, at kulang na mga ngipin.


Si Chichay ay isinilang sa Tondo, Maynila noong 21 Enero 1918. Pinasok niya ang mundo ng show business noong siya ay tinedyer pa lamang.


Nagsimula siya bilang mang-aawit ng “Samahang Antonieta” kasama ang kaniyang kapatid na si Iluminada. Naging parte din siya ng mga bodabil na pagtatanghal bilang mananayaw.


Nang siya ay naging regular sa bodabil, dito niya nakuha ang kaniyang stage name na Chichay mula kay Atang de la Rama. Ito ay hinango sa salitang Hapones na “Chiisai” na nangangahulugang maliit.


Noong 1949, ipinakilala si Chichay bilang contract star ng Sampaguita Pictures at lumabas sa kaniyang unang pelikula dito na Huwag Ka Nang Magtampo. Matapos ito, ilan pang pelikula ang kaniyang ginampanan ngunit mas nakilala siya nang maging bida siya katambal si Tolindoy sa pelikulang Gorio at Tekla. Tumabo sa takilya ang nasabing pelikula na naging dahilan upang maging popular ang tambalang Chichay at Tolindoy sa mga pelikula.


Hindi rin makakalimutan ang pagganap ni Chichay bilang mapagprotektang lola sa pelikulang Bondying noong 1954. Matapos ang mahigit tatlong dekada, kinuha siyá ng Viva Films upang gampanan ang dáting papel sa muling pagsasapelikula ng Bondying.


Aktibo pa rin si Chichay sa pagganap sa mga pelikula bago siya pumanaw noong 31 Mayo 1993. Isa sa mga huling papel na ginampanan niya ay ang papel ni Lola Basyang sa pelikulang Mga Kuwento ni Lola Basyang ng Regal Films noong 1986.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: