Rogelio de la Rosa
Si Regidor Lim de la Rosa, mas kilalang Rogelio de la Rosa (Ro·hél·yo de la Ró·sa) ay isang napakapopular na artista sa pelikula at dulang Filipino. Siya rin ay isang diplomat at naging senador mula 1957 hanggang 1963. Itinuturing siyang unang artista na nagamit ang kaniyang kasikatan upang maging matagumpay na politiko.
Ipinanganak siya sa Lubao, Pampanga noong 12 Nobyembre 1915 kina Feliciano de la Rosa at Rosario Lim. Kapatid niya sina Jaime de la Rosa at Africa de la Rosa.
Pinakasalan niya si Lota Delgado at nagkaroon ng pitong anak. Noong nasa hay-iskul pa lamang ay regular na siyang gumaganap bilang kontrabida sa mga sarsuwela sa kanilang bayan.
Naging mahusay naman siyang atleta at debatista sa kolehiyo. Nagsimula ang kaniyang karera bilang artista nang gumanap siya sa isang silent film na Ligaw na Bulaklak noong 1932. Ang direktor ng naturang pelikula na si Jose Nepomuceno, kaniya ring tiyuhin, ang nagbigay sa kaniya ng screen name na Rogelio de la Rosa.
Sumikat siya noong papatapos ang 1930 matapos lumabas bilang romantic idol katambal nina Rosa del Rosario, Carmen Rosales, Emma Alegre, Paraluman, at Corazon Noble. Sa mga ito, ang pakikipagtambal niya kay Carmen Rosales ang naging pinakatanyag at ang love team nila ay itinuturing na isa sa mga matatagumpay sa kasaysayan ng pelikulang Filipino.
Sa panahon ng Hapon, naging aktibo siya sa pagtatanghal sa mga bodabil sa Life Theater sa Maynila. Matapos ang digmaan, ipinagpatuloy niya ang karera sa pelikula sa mga produksiyon ng LVN Pictures at itinatag ang sariling film production company na RDR Productions.
Ang kaniyang tagumpay sa pelikula ay nagpatuloy hanggang dekada 50. Naging unang Filipino siya sa cast ng The Avenger, isang pelikulang American-Filipino.
Naging bahagi siya ng mahuhusay na pelikula ng kaniyang panahon gaya ng
- Diwata ng Karagatan (1936);
- Bituing Marikit (1937);
- Takip Silim (1939);
- Florante at Laura (1939);
- Lambingan (1940);
- Señorita (1940);
- Colegiala (1940);
- Diwa ng Awit (1940);
- Tampuhan (1941);
- Anong Ganda Mo (1941);
- Caballero (1942);
- Sarung Banggi (1947);
- Kampanang Ginto (1949);
- Sohrab at Rustum (1950);
- Prinsipe Amante (1950);
- Prinsipe Amante sa Rubitanya (1951);
- Irisan (1951); Haring Kobra (1951);
- Sonny Boy (1955);
- Higit sa Lahat (1955).
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Rogelio de la Rosa "