Isang mahalagang kasangkapan sa paglalakbay-dagat ang paraluman. Noong panahong walang kómpas, ito ang ginagamit ng mga magdaragat upang matututuhan ang wastong direksiyon sa paglalayag. Isang malaking imbensiyon ito mula sa pagtitiwala sa pagbása ng mga simoy at mga bituin. Paano kung maunos? Paano kung natakpan ng ulap ang Talà sa Hilaga? Ayon sa isang matandang bokabularyo: “PARALUMAN pp.aguja de marear.” Ang paralúman ay may tila karayom na nagtuturo ng patutunguhan. Sa tulang “Magdaragat” (1926) ni Jose Corazon de Jesus ay ginamit itong katumbas ng pag-asa ng dukha sa gitna unos sa búhay:


Nakasaad din sa naturang bokabularyo na ang may hawak na paralúman ay tiyak na hindi maliligaw. Ang kabuluhang ito ang batayan ng makabagong gamit sa salitâng ito sa pagtula upang ipantukoy sa isang musa o reyna ng kagandahan. Para sa makata, ang kaniyang musa ay isang patnubay sa búhay, isang kariktang higit pang susundin niya kaysa Talà sa Hilaga. Ganito ang gamit ni Jose Corazon de Jesus sa “Mayroon Pa Rin” (1929) hinggil sa kaniyang minamahal:

Kung ako’y bulag na, sa tinig mo lámang

Masusunda kita, mutyang paraluman,

Sapagkat ang iyong gintong lalamuna’y

May kaibang tinig sa lahat ng bagay.


Ang tinig lámang ng irog niya ay tila paralúman dahil masusundan niya kahit mabúlag siyá.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: