Isang katutubong larong pambatà ang pitík bulag. Dalawa ang kailangang manlalaro. Isa ang nagtatakip ng kaniyang mga matá sa pamamagitan ng isang kamay. Pinipitik ng ikalawa ang kamay na nakatakip sa matá. Hinuhulaan ng una ang ititikwas na daliri ng ikalawa. Bago pumitik, itinitikwas ng ikalawa sa pamamagitan ng kamay na hindi ginamit sa pagpitik ang daliri na nais niyang pahulaan. Bago naman alisin ang takip sa matá, hinuhulaan ng una sa pamamagitan ng kamay na hindi ginamit na pantakip sa matá ang itinikwas na daliri ng ikalawa.


Kapag nagkatugma ang itinikwas na daliri ng ikalawa at ang hula ng una ay magpapalit silá ng papel. Magpapatuloy naman ang pagpitik ng ikalawa sa una hanggang hindi tumatama ang hula ng una. Ang laro ay maaari ding isagawa bilang parusa sa isa pang naunang laro. Halimbawa, parusa sa natálo sa sungka. Pinipitik ng nanalo ang kamay ng natalo hanggang makatama ng hula ang natalo.


Mungkahing Basahin: