parola

Toreng gabay ang parola at may ilaw na sinisindihan upang pumatnubay sa mga magdaragat lalo na sa gabi. Mula ito sa sa salitang Espanyol na farola. Sinasabing itinayô at pinailaw ang kauna-unahang paróla sa Filipinas noong 1846 sa hilagang bahagi ng Ilog Pasig pagkapasok sa Maynila, samantalang ang pinakamatanda’t ginagamit pang paróla ay nasa Bagacay Point sa Liloan, Cebu, na unang nagliwanag noong 1874.


Nang wala pang mga paróla, sinasabing may mga giya na pinapuwesto sa mga simboryo o sa tuktok ng mga punongkahoy upang maging gabay para sa mga magdaragat. Ngunit noong siglo 19, naipakilála ang paróla dahil na rin sa pag-unlad ng komersiyo at pag-usbong ng kalakalang galeon. Madalas na gawa sa ladrilyo o bato, hugis poligono o silindriko ang disenyo ng mga ito na mayroong de-koryente o kemikal na mulaan ng liwanag na ligíd ng salamin. Noong panahon ng Amerikano, sinimulan ang pagpapaayos sa ilang paróla upang makasabay ito sa kontemporaneong teknolohiya.


Ilan sa kilalá at lumang paróla sa bansa ang nása Isla ng Capul sa Samar, ang nása Cape Engaño sa Corregidor, ang nása Cape Bojeador sa Ilocos Norte, at ang nása Isla Jintotola sa Masbate.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr