Narcisa Buencamino de Leon
Si Narcisa Buencamino de Leon (Nar·sí·sa Bu·wén·ka·mí·no de Le·ón), mas kilala bilang Donya Sisang, ay itinuturing na “Grand Old Lady of the Philippine Movies”. Ang LVN Pictures, na pinamunuan niya, ay isang haligi ng industriyang lokal ng pelikula mula sa pagpapasikat ng mga artista at paggawa ng pelikulang Tagalog.
Isinilang siya sa San Miguel, Bulacan noong 29 Oktubre 1877. Pumanaw ang kaniyang ama nang siya ay limang taon pa lamang. Tumulong siya sa kaniyang ina sa pag-aalaga sa apat na nakababatang kapatid at pagtataguyod ng kabuhayan.
Noong 1904, pinakasalan siya ni Don Jose “Pepe” de Leon, isang politiko sa San Miguel, at nagkaroon sila ng limang anak. Naging matagumpay ang dalawa sa kanilang negosyo at nagkaroon ng mga lupain sa Bulacan, Maynila, at iba pang lugar sa Luzon.
Nang mamatay si Don Pepe noong 1934, naiwan si Donya Sisang na mag-isang nangalaga at nagpalago ng kanilang iba’t ibang negosyong agrikultural, partikular ang produksiyon ng palay. Noong 1936, itinalaga siya ni dating Pangulong Manuel Quezon bilang unang babaeng direktor ng National Rice and Corn Corporation.
Noong 1938, nagbigay siya ng kapital sa pagtatayo ng isang estudyo kasama ang pamilyang Villonco at Navao. Mula dito, nabuo ang LVN Pictures. Matagumpay na napasok ng LVN ang industriya ng pelikula nang ilabas nitó ang musical na Giliw Ko ni Carlos Vander Tolosa noong 1939. Sinundan ito ng isa na namang matagumpay na pelikula na Ibong Adarna ni Manuel Conde na kauna-unahang gumamit ng color sequence at unang pelikulang lokal na umani ng higit isang milyong piso.
Naging pangulo si Donya Sisang ng naturang organisasyon noong 1940. Ipinasara ito noong pananakop ng mga Hapon noong Disyembre 1941 at muling nagbukas noong 1945. Inilabas nito ang Orasang Ginto noong 1946 na unang pelikulang Filpino matapos ang digmaan. Noong 1949, inilabas ng LVN ang unang full-color na pelikulang Batalyon XIII.
Nagtuloy-tuloy ang tagumpay ng LVN Pictures mula sa paghawak ng mga batikang artista gaya nina Rogelio de la Rosa at Diomedes Maturan at paglalabas ng mga prestihiyosong pelikula gaya ng Anak Dalita ni Lamberto Avellana noong 1956. Kilala si Donya Sisang sa kaniyang mahusay na pagpilì ng mga artista at pagpapasikat sa mga ito. Ilan sa mga inalagaan niya ay sina Charito Solis, Nida Blanca, Armando Goyena, Luz Valdez, Delia Razon, at Mario Montenegro.
Personal na pinangasiwaan ni Donya Sisang ang LVN mula sa isusuot ng mga artista hanggang sa diyalogo ng pelikula. Binabasa at inaaprubahan niya ang mga iskrip kung kaya ang personal na panlasa niya ang nagdidikta at nagdidirekta sa magiging tema ng LVN. Nang malugi ang LVN noong dekada 60, nagpatuloy siya bilang prodyuser sa Dalisay Pictures hanggang mamatay noong 6 Pebrero 1966.
Ang kaniyang apo na si Mike de Leon ay naging prestihiyosong director noong dekada 70. Ang pelikula nitong Kung Mangarap Ka’t Magising noong 1977 ay inihandog niya sa sentenaryo ng kapanganakan ni Donya Sisang.
Pinagmulan: NCCA Official
No Comment to " Narcisa Buencamino de Leon "