Ngayong araw, Oktubre 29, 2021 ang ika-169 taong kaarawan ng isa sa mga nakatatandang babaeng kapatid ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal — si Narcisa Rizal Mercado Alonso Lopez, o simpleng Narcisa Rizal-Lopez. Ipinanganak siya sa bayan ng Calamba, Laguna noong 1852 bilang ikatlo sa 11 anak nina Don Francisco Mercado Rizal at Doña Teodora Alonso.


Gaya rin ng kanyang kuyang si Paciano, tumulong rin si Narcisa, o Sisa kung tawagin siya ng kanyang pamilya, sa pagsusustento ng kanyang kapatid na si Jose sa Europa, at minsa’y umaabot sa puntong nagsangla siya ng kanyang mga alahas at ipinagbili ang kanyang mga damit para may maipadalang pera sa kapatid. Nakapag-asawa si Sisa ng isang guro at musikerong taga-Morong, Rizal na si Antonino Lopez, at tumira sila sa Binondo, Maynila.


Noong mga panahong pinalayas ang pamilya Rizal sa Calamba noong 1890, pinatuloy niya sa kanilang tahanan sa Binondo ang kanyang pamilya, at kalauna’y doon na rin nanirahan ang mga kapatid at iba pa niyang mga pamangkin. Siya rin ang nag-asikaso sa asawa ni Jose Rizal na si Josephine Bracken nang nasa Maynila ito, habang nasa biyahe si Jose papuntang Cuba. Nagpasalamat si Rizal sa pagmamalasakit ni Sisa kay Bracken, sa kabila ng naging pagdududa ng pamilya Rizal kay Bracken. Isa sa mga anak ni Sisa, si Angelica, ay naging kasapi ng Katipunan bukod kina Josefa at Trinidad Rizal. Kasama siya at kanyang inang si Sisa sa mga dumalaw kay Rizal sa bisperas ng pagbaril sa kanya (Rizal).


Matapos barilin sa Bagumbayan (Luneta ngayon) si Jose Rizal, siya ang naghanap sa lugar na pinaglibingan ng mga Espanyol sa kanyang kapatid at nang nahanap niya iyon sa lumang sementeryo ng Paco sa Maynila, siya ang nagpalagay ng lapidang may pinagbaligtad na initials ng kanyang pangalan para hindi ito nakawin at itapon. Makalipas ang dalawang taon, siya rin ang nakiusap sa mga Amerikano na ipahukay ang mga labí ng kanyang kapatid sa sementeryo ng Paco noong Agosto 1898, para iuwi sa kanilang tahanan sa Binondo.


Nagkaroon si Narcisa at Antonino Lopez ng walong mga anak; sina Emiliana, Angélica, Isabel, Consuelo, Leoncio, Francisco, Arsenio, Antonio at Fidela. Sinasabing kabisado ni Sisa ang halos lahat ng mga tulang isinulat ng kanyang kapatid.

Pumanaw sa edad na 86 si Sisa noong ika-24 ng Hunyo, 1939 sa kanilang tahanan sa Binondo, Maynila, ang pinakamatagal na nabuhay sa mga magkapatid na Rizal.


Sanggunian:
• Mañebog, J D. (2013). Narcisa Rizal: the hospitable sister of a hero. Our Happy School. https://ourhappyschool.com/history/narcisa-rizal-hospitable-sister-hero
• WikiPilipinas (n.d.). Narcisa Rizal. https://en.wikipilipinas.org/view/Narcisa_Rizal

Mungkahing Basahin: