Paciano Rizal
Isinilang siya noong 9 Marso 1851 sa Calamba, Laguna at panganay sa 11 anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonso.
Sa Colegio de San Jose sa Maynila, naging guro niya si Jose A. Burgos, paring Filipino na aktibo sa sekularisasyon ng simbahang Katoliko sa Filipinas. Napalapit siya sa pari at nagsilbing mensahero nito. Tinuligsa ni Paciano ang pagbitay sa Gomburza. Bunga nito, hindi siya pinayagang kumuha ng eksamen sa paaralan. Dahil sa nangyari, nagpalit siya at si Jose ng apelyido mulang “Mercado” tungong “Rizal.”
Huminto siya sa pag-aaral at bumalik sa Laguna. Tinulungan niya ang matanda nang ama na pamahalaan ang ari-arian ng pamilya. Naging mahusay siyang agrikultor at negosyante. Siya halos ang naging pangalawang ama ng kanyang mga kapatid. Alang-alang sa Kilusang Propaganda, nangalap siya ng suskrisyon sa Laguna at Batangas para sa Diariong Tagalog na pinamamatnugutan ni Marcelo H. del Pilar.
Siyá ang umamuki kay Rizal para mag-aral sa Espanya noong 1882 at patuloy na tagapagbalita hinggil sa nangyayari sa Pilipinas. Isa na dito ang tungkol sa kaso ng asyenda ng mga Dominiko sa Calamba. Inangkin ng mga prayle ang lupaing matagal nang sinasaka ng mga taga-Calamba. Nang tumanggi silang magbayad ng buwis, ipinatapon sila sa Mindoro. Isang taon doon si Paciano. Siyá ang unang nagsalin ng Noli me tangere, bagaman nawawala ang manuskrito ng kaniyang salin.
Nang dakpin si Rizal noong 1896, ibinilanggo din si Paciano. Tatlong araw siyang pinahirapan upang idawit ang kapatid sa Katipunan. Hindi siya umamin. Siyá mismo’y naging heneral ng Himagsikan pagkatapos bitayin si Rizal. Napasuko niya ang mga Espanyol sa Sta. Cruz, Laguna.
Sumunod siya sa tigil-putukan nang lagdaan ang Kasunduang Biyak-na-Bato noong 1897. Nang muling sumiklab ang digmaan makaraan ang ilang buwan, ipinagpatuloy niya ang laban sa larangan ng Laguna. Limampu’t anim na ang edad niya noon. Nagkasakit siyá ng malarya at nadakip ng mga bagong kalabang Amerikano noong 1900.
Nanatili siya sa kaniyang bukirin sa Los Baños, Laguna hanggang sa mamatay noong 13 Abril 1930 sa gulang na 79.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Paciano Rizal "