teodora alonso
Teodora Alonso | @socsciclopedia via Esquire Philippines
Napakahalaga ng tungkulin ni Teodora Morales Alonso Realonda y Quintos o Teodora Alonso sa paghubog ng kamalayan ng kaniyang anak na si Jose Rizal.

 

Sinasabing ang kalipunan ng mga libro ni Donya Lolay ang isa sa pinakaekstensibong koleksiyon ng kaniyang panahon. Ang kaniyang pagmamahal sa sining at panitikan gayundin ang kaniyang pagiging disiplinado sa pagtupad sa oras ang naipasa niyang katangian sa kaniyang mga anak, lalo na sa pambansang bayani.

Sa isang liham ni Jose Rizal kay Ferdinand Blumentritt, kaniyang sinabi na ang “Ang nakuha kong edukasyon noong bata ang humubog sa aking mga ugali sa kasalukuyan.”

Ipinanganak si Teodora Alonso sa Meisik, Maynila noong 9 Nobyembre 1827. Bunso sa limang anak nina Lorenzo Alberto Alonso, isang surveyor at dating capitan municipal ng Biñan, Laguna, at ni Brigida de Guintos, si Donya Lolay ay lumaki sa Biñan at nag-aral sa eskuwelahan ng mga pari.

Nang magdalaga, pinadalá siyá ng mga magulang sa Maynila upang mag-aral sa Colegio de Santa Rosa. Noong mga panahong iyon, bibihira lamang pag-aralin ang mga babae kayâ masasabing isa sa iilang edukadong kababaihan ng kaniyang panahon si Donya Lolay.

Ikinasal si Donya Lolay kay Francisco Mercado noong 28 Hunyo 1848. Nagkaroon silá ng 11 anak: siyam na babae at dalawang lalaki.

Nanirahan silá sa bayan ni Francisco Mercado sa Calamba. Siyá ang namamahala sa mga itinitindang bigas, mais, at asukal mula sa kanilang lupain kasabay ng pagnenegosyo niya ng tela at paggawa ng arina.

Nagbukas din si Donya Lolay ng maliit na tindahan sa ibaba ng kanilang bahay-na-bato. Mayroon ding puwesto ng tindahan sa palengke ang mag-anak na Rizal na si Donya Lolay mismo ang nagpapatakbo.

May mapait ding karanasan si Donya Lolay sa kamay ng mga Espanyol. Noong 1871, inakusahan si Donya Lolay ng tangkang paglason sa kinakasama ng kaniyang kamag-anak na si Jose Alberto. Kahit na idinulog at napawalang-sala ang matanda, napiit siyá sa bilinggauan ng Sta.Cruz, Laguna nang dalawang taon.

Matapos ang halos tatlong dekada, muling nasangkot si Donya Lolay sa isang kontrebersiya. Hinúli ang matanda dahil malî ang dalá-dalá niyang sedula. Iba ang kaniyang pangalang nakalagay sa sedula kaysa kaniyang kinagisnang pangalan. Sa halip na Teodora Alonso Realonda de Rizal, kaniyang ginagamit lámang ay Teodora Alonso. Kahit na 64 na taóng gulang na, pinalakad pa rin si Donya Lolay mula bayan ng Calamba hanggang Sta. Cruz. Nahabag ang opisyal ng pamahalaan sa kalagayan ng matanda kayâ ipinag-utos na palayain ito agad.

Bago barilin si Jose Rizal sa Bagumbayan, nagmakaawa si Donya Lolay kay Gobernador Heneral Ramon Blanco. Sinasabing ang malaking hagdanan sa Palasyo ng Malacañang ay inakyat ng matanda nang paluhod upang humingi lamang ng pardon.

Ang nasabing kilos ni Teodora Alonso ay siyá ring ginagawa ngayon ng mga bagong halal na pangulo ng Filipinas sa kanilang unang pag-akayat sa Malacañang bilang presidente. Isa itong simbolo ng pagtanggap sa hámon na palayain ang bansa sa kinasasadlakan nitóng hirap.

Namatay si Teodora Alonso noong 23 Agosto 1911.

Kung mayroon mang isang táong gumanap ng napakahalagang tungkulin sa paghubog ng kamalayan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal ukol sa mga depekto ng ating lipunan kolonya ng Espanya, iyon ay ang kanyang ina na si Doña Teodora Alonso na nagsilbi rin niyang unang guro.

Tubong-Sta. Cruz, Maynila, si Teodora Morales Alonso Realonda y Quintos o simpleng Teodora Alonso, ay ipinanganak noong ika-9 ng Nobyembre, 1827. Ikalawa siya sa anim na anak nina Lorenzo Alonso at Brigida de Quintos. Alinsunod sa Claveria decree na inilabas noong 1849, ginamit ng kanilang pamilya ang apelyidong Realonda.

Nag-aral siya Colegio de Sta. Rosa sa Maynila. Sa edad na 20, ikinasal siya sa 30-anyos na si Francisco Mercado na taga-Biñan, Laguna noong 1848. Sila ay nanirahan sa Calamba, Laguna at nabiyayaan sila ng 11 na mga supling: sina Saturnina, Paciano, Olympia, Lucia, Maria, Jose, Concepcion, Narcisa, Josefa, Trinidad, at Soledad. Pagsasaka ang naging pangunahing hanapbuhay ng kanilang pamilya, at may maliit na convenience store si Donya Lolay sa kanilang bahay.

Taong 1872, nakulong siya sa loob ng dalawa’t kalahating taon nang napagbintangan siya ng paglalason sa kanyang hipag. Ang pagkakaroon naman niya ng katarata ang nagtulak kay Jose na mag-aral ng medisina sa Pilipinas at sa Espanya, sa kabila ng pagtutol ni Donya Lolay. Noong 1891, nakulong ulit siya dahil sa pagtangging gamitin ang apelyidong Realonda sa kanyang sedula. Kahit matanda na, pinaglakad pa rin siya ng 50 kilometro mula Calamba hanggang Sta. Cruz, Laguna. Naawa ang mga opisyal dahil sa kalagayan ng matanda kaya’t iniutos din na palayain siya agad. Dahil sa alitan sa lupa, pinalayas ang kanyang pamilya sa kanilang lupa sa Calamba kaya’t napilitan silang lumipat sa bahay ng kanyang anak na si Narcisa sa Maynila. Naging larawan ng isang matatag at matapang na ina si Donya Lolay, na dumaan sa maraming mga pagsubok na dulot ng pang-aapi ng mga Espanyol sa kanyang pamilya dahil sa aktibismo ni Jose.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr