On
Ang pelikulang anak dalita.


Idinirihe ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro at Pelikula Lamberto Avellana ang pelikulang Anak Dalita (1956).


Hinggil ito sa paghihirap at pagsisikap ng isang beterano ng digmaan sa Korea sa loob ng pamayanang umusbong sa guho ng Intramuros. Nasangkot siya sa trabahong ilegal at sa pag-ibig ng isang mang-aaliw sa nightclub.


Ginampanan nina Tony Santos Sr. at Rosa Rosal ang mga pangunahing tauhan ng kuwento. Ginawaran ang pelikula ng Gantimpalang Gintong Ani para sa pinakamahusay na pelikula ng 1956 Asian Film Festival at naglunsad sa katanyagan ng pelikulang Filipino sa mga internasyonal na timpalak at festival.


Bunga ng pagnanais ng ikalawang henerasyong prodyuser na si Manuel de Leon ng LVN Pictures na gumawa ng pelikulang mailalaban sa pamantayang internasyonal hindi man kumita, binigyan ng laya ang direktor sa paglikha. Sa ganitong sistema din nabigyan ng pagkakataon ang tambalan ng dating kontrabidang si Rosa Rosal at ng dating tagasuportang aktor lamang na si Tony Santos Sr.


Kinikilala ng mga iskolar ang Anak Dalita bilang mahalagang pelikula ng Unang Gintong Panahon ng Sineng Filipino.


Neo-Realismo ang estilo ng pelikula at naitampok na tagpuan ang sinematikong arkitektura ng mga pook ng karukhaan. Naihahambing ng mga iskolar ang ganitong padron sa ibang mahahalagang direktor sa Filipinas ng mga sumunod pang mga dekada, gaya ni Lino Brocka ng 1970s hanggang 1980s at ni Brillante Mendoza sa kasalukuyan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: