On
Ang rondalya (ron∙dál∙ya) ay isang grupong pangmusika na binubuo ng mula walo (maliit na comparza) hanggang 30 o mas maraming instrumento. Ipinakilala ito noong panahon ng Espanyol at nahahalintulad ito sa mga grupong pangmusika sa Espanya at Mehiko—estudiantina at murza.


Ang tipikal na rondalya ay binubuo ng piccolo bandurya (maliit), bandurya, laud, octavina, gitara, at bajo de uñas.


Nahahati sa dalawang uri ang mga instrumento ng rodalya, may kuwerdas at perkusyon. Ang mga instrumentong may kuwerdas ay ang bandurya, laud, octavina, gitara (may anim na kuwerdas), at baho (sa kasalukuyan ay may gumagamit ng de-koryente na bajong gitara sa halip na doble báho o double bass ng kanluraning orkestra). Ang perkusyon ay binubuo ng tambol (dalawang uri, baho at snare), pompiyang, marimba, tamburin, kastanetas, batingting na triyanggulo, at tom-tom.


Ang rondalya ay karaniwang tumutugtog sa mga pagtitipon, pista, at pagdiriwang ng kaarawan sa ilang probinsiya.


Sa ngayon, dahil sa pagsusumikap ng National Music Competitions for Young Artists o NAMCYA ay napapanatiling buhay at may mataas na kalidad ang pagtugtog ng rondalya sa kapuluan, lalo na sa mga publikong paaralan.


Ang pandaigdigang pista para sa mga instrumentong may kuwerdas na pinamumunuan ng Sentro ng Etnomusikolohiya ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman ay nakatulong sa pag-aangat ng kalidad at kamalayan ukol sa katutubong grupong pangmusikang ito.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: