Ano ang kudyapi?
Gawa ito sa kahoy at hungkag ang loob nito upang makalikha ng mainan na tunog. Mayroon din itong dalawang kuwerdas.
Tinutugtog ito ng Ata, Magindanaw, Manobo, at Maranaw. Makikita rin ito sa Palawan.
Tinatawag itong kudlong ng mga Ata, Manobo, at Bagobo at hagelong naman ng mga Tiboli. Marami pang ibang pangalang tumutukoy rito tulad ng kudlung, faglung, foglong, hagalong, hagelung, kudyapiq, kudyung, kuglong, ketiyapiq, kusyapiq, piyap, at iba pa. Gayunman, may dalawang pangkalahatang termino na higit na laganap: kudlung para sa Ata, Bagobo, Bilaan, Manobo, Mansaka, Mandaya, at Tiboli; kudyapi naman sa Bukidnon, Hagaonon, Magindanaon, MĂ«ranaw, Manobo ng Agusan, at Subanon.
Sa Palawan, ang kudyapi ay may dalawang anyo: malaki at maliit. Ang malaking kudyapi ay maaaring umabot sa dalawang metrong haba at maaaring gamitin sa pagsaliw sa pag-awit ng kulilal o awit ng pag-ibig. Ang mas maliit nito ay ginagamit sa paggagad ng mga tunog na maririnig sa kalikasan.
Noong bandang siglo 16, nagkomentaryo si Padre Diego de Bobadilla tungkol sa kudyapi. Ayon sa kaniya, “may lumang instrumentong tinatawag na cutiape na kasalukuyan pa ring ginagamit ng mga katutubo. Mayroon itong apat na kuwerdas na gawa sa tanso. Tinutugtog nila ito nang may kahusayan, at sa pamamagitan nito ay nasasabi ang anumang nais nilang sabihin. At pinatotohanan na nag-uusap ang bawat isa sa pamamagitan ng instrumentong ito—isang pambihirang katangian ng mga katutubo sa kapuluan.”
Ang kudyapi ay iginagalang na instrumento ng mga Magindanaw at Maranaw. Noon, tinutugtog lamang ito ng mga natatanging musiko para sa mga datu at sultan. Mayroon ding sariling katipunan ng musikang pangkudyapi lamang at walang ibang kasaliw.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ano ang kudyapi? "