Gata
Manomano ang pagpiga sa kinudkod na laman ng niyog pagkatapos haluan ng kaunting tubig na mainit. Ang gata ay ang malapot na katas na isang pangunahing sangkap sa pagluluto.
Ginataan ang tawag sa anumang putahe, ulam man o meryendang hinahaluan ng gata tulad ng ginataang kalabasa, sitaw, langka, pakbet, tilapya at ng minatamis na ginataang bilo-bilo.
Ang mga putaheng mula sa Bikol tulad ng bicol express, pinangat, binagoongan, at laing ay tanyag hindi lamang sa anghang kundi dahil rin sa natatanging paraan ng paggagata sa rehiyong ito.
Maaari ring lagyan ng gata ang iba pang mga tradisyonal na pagkaing Filipino tulad ng dinuguan, adobo at kaldereta. Samantala may gata ang mga panghimagas na tulad ng maha blangka, sapin-sapin, at iba’t ibang suman. Kung ang kakanggata ay pinaglangis, nabubuo naman ang latík na siyang ginagamit bilang pambudbod sa mga kakanin tulad ng biko.
Maraming benepisyong pangkalusugan ang gata dahil sa mga bitamina (bitamina C, E, B1, B6, B5) at mga nutrisyon (protina, fat, sugar, folate, iron, calcium, sodium, magnesium atbp.) na taglay nito. Kaya nakatutulong ang gata sa pagpapalakas ng buto, pagpapalakas ng dugo, at pagkontrol ng timbang. Dahil walang gluten at soya, maaari ring inumin ang gata ng mga taong hindi maaaring uminom ng gatas mula sa baka.
Dagdag pa, ginagamit rin ang gata na pampalusog ng buhok. Samantala, ang langis naman na nakakatas mula sa pag-iinit ng gata ang siyang pinagmumulan ng langis ng niyog.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Gata "