On
Sa lahat ng kakaning puto, ang suman diumano ang pinakamadalîng gawin. Hindi ito kailangang ibabad, gilingin, o paalsahin. Ang bigas o ugat ng kamoteng-kahoy ay ibinabalot sa dahon at saka pinakukuluan.


Pinakapopular ang parihabang suman sa ibos (tawag sa dahon ng niyog ang ibos) at suman sa líhiya (pinakuluan sa tubig na may lihiya). Kapuwa bigas na malagkit ang gamit sa naturang suman ngunit nakabalot sa dahon ng saging ang hulí.


Ang sumang murwekos ay medyo kulay granate at may latik. Kamoteng-kahoy naman ang gamit sa tupig at iniihaw ito sa Hilagang Luzon. May budbod kabog sa trigo ang Cebu at Dumaguete. Sa Sorsogon, gumagawa ng suman sa kalabasa. Nakaugalian na ng mga deboto sa Antipolo ang pagbili ng suman sa ibos at manggang hinog upang himagasin.


May haka na nagmula ang suman sa paraan ng pagbabaon ng kanin noon. Tinutungkos ng ating mga ninuno ang kanin sa dahon na hugis puso para dalhin sa paglalakbay.


Samantala, isang sining ang pagbalot ng dahon ng niyog sa suman sa ibos. Kailangang mag-umpisa sa maingat na pagpilas ng dahon sa tingting nito. Pagkatapos, maingat na iniikid ang dahon sa tingting upang magmukhang tubo at doon isinisilid ang pinaghalong bigas, gata, asin, at kung minsan, anis. Isinasara ang tubo at itinatali ang suman sa iba pa bago ihulog na kumpol-kumpol sa kumukulong tubig.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: