On
Ang tikoy ay matamis na kakaning gawa sa malagkit na bigas, at bilog, parisukat, o parihaba ang hugis.


Karaniwan itong inihahanda sa Bagong Taon ng mga Tsino, na siáang nagpakilala ng pagkaing ito sa Filipinas. Tinatawag din itong nian gao at Chinese New Year’s Cake. Nangangahulugan ang “nian gao” ng “paangat bawat taon,” at ang pagkain ng tikoy ay sinasabing naghahatid ng magandang kapalaran. Mas maraming tikoy na nakahain sa bisperas ng bagong taon, mas mainam.


Ayon sa alamat, nilikha ang tikoy bilang alay sa Diyos ng Kusina, hindi bilang suhol, kundi upang idikit ang bibig nito at hindi makapagsalita ng kung anong masama sa Diyos ng mga Diyos tungkol sa nag-alay ng tikoy at kaniyang pamilya.


Kahit tinatawag na keyk, malayo ang tikoy sa mga kanluraning uri ng keyk, na karaniwang malambot at buhaghag. Malagkit at siksik ang tikoy. Matigas ito ngunit lumalambot kapag iprinito o pinasingawan.


Sa Filipinas, madalas itong ibinababad sa binating itlog bago iprito. Ang resulta ay isang pagkaing maituturing na pinagsamang kanin at ulam (ang itlog), malinamnam at madalîng makabusog.


Hindi rin masyadong kumakapit ang mantika sa tikoy kaya tamang-tama lang ang hagod nito sa bibig at lalamunan. Maaaring budburan ng linga (sesame) ang nalutong tikoy, at puwede nang kainin habang mainit-init.


May mga ipinagbibiling tikoy na hugis hayop, tulad ng isda, at mayroong nilagyan na ng lasa, tulad ng ube. Para sa mamimiling naghahanap ng múra at iba’t ibang uri ng tikoy, wala nang ibang dapat puntahan kundi ang Chinatown ng Maynila, ang distrito ng Binondo. Kung hei fat choi!


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: