Kakanin
Ilang halimbawa nito ang puto, bibingka, suman, at kalamay.
Bawat bayan yata sa Pilipinas ay may tanging tindahan ng kakanín o may pansiteryang nagdidispley ng sari-saring puto at panghimagas na minatamis. O may maglalakò na sumisigaw ng “Púto! Kutsintâ!” at sunong ang bilao o pasan ang pinggang may mga sisidlan ng kakanín.
Kung wala, pumunta sa palengke at naroon ang puwestong naghahandog ng ipinagmamalaking kakanin ng bayan.
Puto ang itinuturing na pinakamatanda at pinakakaraniwang kakanin. Gawa ito sa giniling at pinasingawang bigas, kung minsan may lahok na bagong kudkod na niyog, mantekilya, at ibang pampalasa. Ang karaniwang puto, sa larawan ni Fray Juan j. Delgado noong 1751 ay “tortas grandes y amasadas, muy esponjadas y blancas” at masarap isawsaw sa tsokolate.
Putong putî ang inilarawan ng butihing Heswita.
Ngunit ang puto ay maaaring sapín-sapín, bibingká, sumán, kalámay, pítsipítsi, espasól, putoséko, at bíko.
May saping dahon ng saging ang putong manapla para sa batsoy ng Negros. May luya’t pandan ang puto dáyon ng Leyte. Binilog na parihaba ang puto bumbóng at kulay granate dahil sa pirurutong.
Hinubog sa suwít (munting tasa sa alak ng mga Tsino) ang kutsintâ. May budbod na butil ng mais at kulay dilaw ang máha blángka sa San Miguel, Bulacan. Binabálot sa linga at pinong kinudkod na niyog ang palitáw. May púto na gawa sa kamoteng-kahoy, ube, at ibang halamang-ugat. Tila mga munting bola ang puto biñan.
Malinamnam na meryenda mulang Iloilo ang piyaya. Ipinalalaman sa tinapay ang matamís-sa-bao. Ang saging ay ginagawang turon o tinutuhog na banana-Q.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kakanin "