On

 

pakbet

Pakbet


Tinatawag kung minsan ang Kailukuhan na “bayan ng pinakbet.” Dahil tiyak na lutuing Ilokano ang pakbét o pinakbét, isang lutuing gulay na katulad ng bulanglang bagaman may tatak ng saluyot, malunggay, at katuray, at ng timplang bagoong.


Ngunit ang pakbét ay sari-sari na sang-ayon sa hilig kahit ng mga Ilokano. Isang dayuhan sa Laoag ang nag-ulat sa mga sumusunod na sahog: mga muràng talong, mga muràng ampalaya, bulaklak ng kalabasa, katuray, okra, luya, kamatis, mga piraso ng bagnet, at bagoong monamon. Unang inihalayhay sa pusod ng mataas na palayok ang bagnet, kamatis, at luya. Pagkaraan, ipinatong ang mga gulay. Sakâ binuhusan ng kalahating boteng bagoong, tinakpan ang palayok, at nilakasan ang init ng apoy sa loob ng 10 minuto. Napansin din niyang naglabas ng alak na duhat sa hapunang insarabásab (inihaw na liyempo) at pakbét. Klas!


Gayunman, mahalaga ang kaniyang payo na huwag hahaluin ang gulay hábang niluluto. Sa halip, dalawang beses inaalog ang palayok para magkasundo ang mga sahog sa loob. Kailangan diumanong hindi “masira” ang lasa ng gulay at huwag sumobra ang luto. Kung bagá sa Italyano, nais ng mga Ilokano ang kanilang pakbét al dente. 


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr