Saan matatagpuan ang tiwi hot spring?


Ang Tiwi Hot Spring (Tí·wi Hat Is·príng) ay isang napakaaktibong pook ng mainit na mga bukal sa bayan ng Tiwi, sa lalawigan ng Albay. Ang bumubula at amoy asupreng tubig sa bukal ay ginagamit sa mga paliguan at languyan. Dinarayo ito hindi lamang dahil sa paliligo kundi dahil din sa magandang epekto sa kalusugan ng mainit na tubig.


Isa rin itong pinagkukunan ng tinatawag na lakas heotermal. Ang mainit na bukal ay ginagamit sa pagpapatakbo ng isang napakalaking plantang heotermal na binuksan noong 11 Enero 1979. Umaabot na sa halos 300 megawatts ang nagagawang koryente dito simula pa noong 1981.


Bukod dito, mayroon ding 15 balon ng bukal na pinagkukunan ng mainit na singaw para makagawa rin ng koryente. Isa ito sa pangunahing plantang heotermal na pinagkukunan ng elektrisidad na ginagamit sa Luzon. Ang sulak ng init ay ginagamit din sa paggawa ng iba’t ibang uri ng asin mula tubig-alat.


Makikita rin dito ang Tiwi Springs National Park, tatlong kilometro mula sa kabayanan ng Tiwi. Nakapaloob sa parke ang Lawang Naglagbong, isang kumukulong lawa ng asupre, na nasa Barangay Naga at marami pang mainit na bukal na tinayuan ng mga resort.


Sumabog ang bulkang lawang ito noong 1982.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr