On
Ang Saging


Ang botanikong pangalan ng saging ay Musa sapientum. Ito ay kabilang sa pamilya ng mga halamang Musaceae.


Ito ang pinakamalaking halaman na namumulaklak at may malambot na mga sanga. Ang saging ay madalas na napagkakamalan bilang isang punongkahoy ngunit ang higit na angkop ay isang malaking halamang-damo (herb). Bagaman ito ay tumutubo na sa mga bansang tropikal, ito ay nagmula sa Timog-silangang Asia. Ang katawan nito ay tinatawag na pseudostem o mala-tangkay. Ito ay malambot at matubig. Ang kulay ng katawan nito ay kulay berde, at ang saging ay tumataas hanggang sa 7 metro.


Ang mga dahon nito ay tumutubo nang paikot sa katawan. Ito ay wangis sa dahon ng abaka. And pagkakaiba nito ay sa dulo ng mga dahon. Ang dahon ng saging ay pabilog ang dulo ng dahon samantalang ang sa abaka ay patulis. Kaiba din ang ilalim na parte ng mga dahon nito sa abaka. Sa abaka, ang kabila ay makintab at madulas ang ibabaw at ilalim kompara sa saging na ang ilalim na bahagi nito ay may parang pulbos at hindi ito makintab at madulas tulad ng sa ibabaw na parte nito.


Ang prutas nito ay isa sa paborito ng mga Filipino. Makikita ito sa buong bansa at dinadala din sa ibang bansa upang ibenta.


Ang mga pinakakilalang uri ng saging sa ating bansa ay ang lakatan, latundan, saba, senyorita, lagkitan, at ang iniluluwas sa ibang bansa ay Cavendish.


Isa sa maituturing na pinakamasustansiyang prutas ang saging. Nagtataglay ito ng bitamina A, B, at C, minerals ng iron at potassium.


Madaming gamit ang saging. Ang pinakapuno nito ay ginagamit na tarakan ng mga bulaklak o palamuti sa mga kasayahan. Ang mga dahon naman nito ay ginagamit na kainan at pambalot. Sa pagkain naman, ang puso ng saging ay iginugulay at ginagataan. Ang mga prutas naman ginagawang panghimagas o meryenda. Masasabi talaga na kasama sa kultura ng mga pagkaing Filipino ang saging.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: